Nanawagan si Nancy dela Rosa sa judiciary na huwag ipadala The Hague, Netherlands ang mister niyang si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na kasalukuyang may warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Matatandaang pinangalanan si Sen. Bato bilang isa sa “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa giyera nito kontra droga. Kasalukuyang nakapiit si Duterte sa ICCdetention facility dahil sa kaso nitong crimes against humanity.
Sa isang Facebook post nitong Lunes, Mayo 25, iginiit ni Nancy na ang bawat Pilipino ay nililitis dapat sa sariling bansa.
“Granting the people in power permission to voluntary surrender another filipino is an admission that you are weak and INCAPABLE of handling this case, thus the need for an international court to intervene,” saad ni Nancy.
Dagdag pa niya, “You are a group of great minds. This is just another case sensationalized only by Politics. Please do not waver or give in. Please.”
Ayon sa misis ng senador, kung may natutuhan man daw sila sa kaso ni Duterte, ito ay huwag isuko sa kamay ng mga banyaga ang isang Pilipino.
“Please do not give up your responsibility for our countrymen. Please fight for our sovereign rights. Your decision will be remembered in history. Please make it count,” pahabol pa ni Nancy.
Sa kasalukuyan, tinututukan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong posibleng lokasyon na kinaroroonan ni Sen. Bato para ipatupad ang arrest warrant mula sa ICC.
Kinumpirma rin ng NBI na may impormasyon silang posibleng may mga panibagong warrant pang ilalabas ang ICC laban sa iba pang personalidad na sangkot sa kaso.
Maki-Balita: 3 lugar na posibleng pinagtataguan ni Sen. Bato, tinitiktikan na ng NBI!