AMMAN, Hashemite Kingdom of Jordan – Muling sinabi ni Pangulong Duterte na pabor siya sa family planning, at binanggit ang mabilis na paglobo ng populasyon ng Pilipinas na malapit nang pumalo sa 110 milyon.

Ito ang ipinahayag ni Duterte sa pagkumbinse niya sa mga negosyanteng Jordanian na mag-invest sa Pilipinas sa isang forum dito, nitong Miyerkules.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na handa na ang Pilipinas na tumanggap ng investors upang maipagkaloob ang mga pangangailangan ng dumaraming Pilipino.

Sinabi ng Pangulo na mahirap na ngayong pigilan ang paglobo ng populasyon, at nagbirong ang Pilipinas ang isa sa pinakamalalaking producers ng sanggol sa mundo.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

“We have a lot of Filipino in good numbers and they are here to make a living because things are pretty hard up,” ani Duterte. “And Philippines is somewhat the third largest producer of babies everywhere. We are hitting the 110 million Filipinos and it keeps growing everyday.”

Sinisi ng Pangulo ang dumaraming mga Pilipino sa pagtutol ng Simbahang Katoliko sa artificial family planning methods.

“Because of some religious disputes, family planning, in whatever form is always taboo to—sorry to say this in public—by the Roman Catholic Church,” aniya.

Sa World Population Review, ang Pilipinas ay ika-13 sa kabuuang populasyon na 106,810,164.

-Argyll Cyrus B. Geducos