INALOK pala ni Cavite Vice Governor Jolo Revilla ang noon ay girlfriend pa niyang si Jodi Sta. Maria na maging leading lady niya sa pelikulang Tres, pero tumanggi ang aktres dahil sa sobrang busy na schedule nito.

Jolo at Jodi

“Kami pa naman kasi noon kaya inalok ko siya, kaso busy siya,” pagtatapat ni Jolo.

At dahil inamin na rin naman ng pulitikong aktor na “single” na siya, sa solo presscon niya para sa Tres, hindi na siya tinantanan ng tanong tungkol sa kanila ni Jodi at kung anong dahilan ng hiwalayan.

Teleserye

Mon Confiado, nag-react sa sinabi ni Herlene Budol na nakakatakot siya

Hindi halos makapagsalita ang bise gobernador ng Cavite.

“As much as possible kasi I’d like to remain private, ‘yung private life ko. Ibalato n’yo na sa akin ‘yun. Basta malaki ang respeto ko sa kanya at sa pamilya niya,” pakiusap ni Jolo.

Mahal pa ba niya si Jodi?“Hindi naman nawawala kaagad ‘yun,” tipid na sagot. “Basta all I can say is that, she brought out the best in me. Wala na akong masasabi.”

Natanong kung ang kasong annulment nina Jodi at Pampi Lacson ang dahilan kung bakit napunta sa hiwalayan ang eight years nilang relasyon.

“Puwede huwag na natin siyang pag-usapan, please iba na lang. Kasi ayokong lumabas na ginagamit ko, please.”

Okay ba sila ni Jodi ngayon?“I hope so,” tipid na sabi na inusisa namin. “Eh kasi hindi kami nagkakausap pa, okay na ‘yun.”Hindi nasinagot ni Jolo kung ilang buwan na silang hiwalay ni Jodi, pero ang siniguro niya ay hindi siya nagmahal o nagmamahal pa ng iba, dahil nanatili pa rin siyang single. Higit sa lahat, masaya siya ngayon dahil inspired siya sa mga ginagawa niya, tulad ng pagsisilbi sa mga kababayan niya sa Cavite, pagbabalik showbiz niya sa pamamagitan ng FPJ’s Ang Probinsyano at sa pelikula niyang Tres.

Showing na ang Tres sa Oktubre 3, produced ng Imus Productions at Cine Scene.

Gaya ng inaasahan, hindi na kami sinagot ni Jolo nung tanungin namin kung may plano siyang suyuin si Jodi.

Natawa rin si Jolo sa tanong kung pinapanood niya ang seryeng Sana Dalawa ang Puso na pinagbibidahan ni Jodi.

“Oo naman, oo naman,” sagot niya.

Si Jodi kaya, pinapanood ang FPJ’s Ang Probinsyano.

“Ay hindi ko alam, ha, ha, ha,” masayang sagot ng anak nina Bacoor Mayor Lani Mercado at ex-senator Bong Revilla, Jr.

Muling pinisil ni Jolo ang kamay namin na ibig sabihin ay tigilan na ang katatanong ng tungkol kay Jodi, dahil hindi fair na may pelikula silang ilalabas at nagagamit ang aktres sa promo.

Kinailangan na kasing magsalita ni Jolo dahil ilang buwan na rin namang nabalita ito at nang makapanayam namin si Jodi sa nakaraang post birthday celebration nito sa set ng Sana Dalawa ang Puso ay hindi rin nagsalita ang aktres.

Kaya tama lang na kay Jolo magmula ang kumpirmasyong hiwalay na sila ni Jodi pagkalipas ng eight years.

Samantala, ideya pala ni ex-Senator Bong ang pelikulang Tres at ang pagbuhay sa Imus Productions.

At dahil nalilinya naman sa action ang magkakapatid na Jolo, Bryan at Luigi ay naisip nila ang action film na trilogy, na unang beses mangyayari sa kasaysayan ng pelikula.

“Ginawa namin ‘to (Tres) para sa kanya (Bong) at higit sa lahat, para sa mamamayang Pilipino. At pinaghirapan namin ito.”

Hindi pa rin nakakalaya si ex-Senator Bong kaya malungkot pa rin ang pamilya Revilla, pero sa kabilang banda ay masaya silang lahat dahil naglalabasan na ang katotohanan.

“Alam naman natin at kitang-kita naman natin na lumalabas na ‘yung katotohanan tungkol sa kaso niya which I don’t wanna talk about anymore.

“As a son, we love him very much. Siguro, wala na kaming mahihiling pa sa kanya dahil ibinigay niya lahat sa aming lahat. At ‘yung pinakamahalagang naibigay niya sa amin ay ‘yung pangalan niya. Kumbaga, royalty,” kuwento ni Jolo.

Kaarawan ni ex-Senator Bong sa Setyembre 25 at may wish si Jolo para sa ama: “Siyempre lahat naman siguro tayo, birthday wish natin para sa kanya, siguro, freedom.”

Anyway, hindi matutuloy ngayong Setyembre 10 si Jolo patungong Amerika para mag-aral ng short course ng Leadership sa Harvard University Boston, Massachusetts dahil sa promo ng Tres na magbubukas sa Oktubre 3.

“I’ll be leaving on November, may makakasabay naman ako si Janella (Ejercito, San Juan Vice Mayor), she’s also going to Harvard. I’m excited kasi hindi lahat ng tao nabibigyan ng chance na matanggap ng executive course sa Harvard. It’s going to be a month or less kasi crash course naman ‘yun so magli-leave muna ako sa work,” ani Jolo.

“Kung September ako aalis, two weeks lang, ‘pag November hindi ko pa alam kasi hindi ko pa nakikita ‘yung syllabus.”

Mamamatay ba si Jolo sa Ang Probinsyano?

“Hindi ko pa alam, panoorin n’yo na lang. Pero sobrang nagpapasalamat talaga ako kay Coco (Martin), sa Dreamscape, kasi nakabalik ako. Ang tagal ko ring nawala.”

Sa Tres, ang episode ni Jolo ay ang 72 Hours (Dondon Santos), Amats naman kay Luigi (Dondon Santos), at Virgo kay Bryan (Richard Somes).