Isang pulis, na kalalabas lang sa piitan makaraang maakusahan ng pagpatay sa jeepney driver na nakaalitan niya sa kalsada sa Antipolo City noong nakaraang taon, ang natagpuang patay at may isang tama ng bala sa baba, sa loob ng kanyang silid sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang nasawi na si PO1 Ronald Pintacasi, 36, nakatira sa Barangay Doña Josefa, Quezon City, at nakatalaga sa Manila Police District (MPD) Holding Section.
Batay sa report, kinatok ng nakatatandang kapatid ni Pintacasi, si Rubencio, kasama ang kanilang bayaw, ang silid ng biktima, pero hindi ito sumasagot, kaya nagpasya silang buksan na ito.
Bumulaga sa magbayaw ang duguang katawan ng pulis sa ibabaw ng kama, at kaagad nilang ini-report sa barangay ang insidente.
Gayunman, nang dumating sa lugar ang mga operatiba ay nawawala na ang service firearm na dahilan ng pagkamatay ng pulis.
Ayon kay PO3 Virgilio Mendoza, kalaunan ay inamin ni Rubencio na itinago niya ang baril dahil na rin sa kalasingan at pagkataranta niya sa nangyari, sinabing nangangamba siyang baka gumanti sa kapatid niya ang pamilya ng napatay nitong jeepney driver.
Kalaunan, narekober sa crime scene ang kargadong .45 caliber Armscor ng pulis na may isang gamit nab ala.
Nabatid na noong nakaraang buwan lang lumaya si Pintacasi mula sa pagkakapiit sa Antipolo City Police makaraang magpiyansa sa kasong murder.
Mayo 2017 nang sumuko si Pintacasi sa pulisya sa pamamaril at pagpatay kay Petronilo Fernando, matapos na mabangga ng jeep ng huli ang motorsiklong sinasakyan ng pulis sa Marcos Highway sa Antipolo.
Pero sa halip na pag-usapan ang aksidente, binaril ng pulis ang driver, na binawian ng buhay.
-ALEXANDRIA SAN JUAN