SI Erik Santos mismo ang magdidirek ng kanyang 15th year anniversary concert na may titulong My Greatest Moments, na gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Setyembre 22.

Kasama niya rito ang kaibigan at kapwa Cornerstone talent, si John Prats.

Ikalawang beses nang idi-direk ni Erik ang sariling show, dahil ang unang pagkakataon ay sa kanyang Erik Santos Sings the Greatest OPM Classics sa The Theater, Solaire produced ng Lucky 7 Koi Productions noong Abril 7.

Ang sumunod naman dito ang Ako at ang Aking Musika 45 Taon ni Hajji Alejandro na ginanap din sa Solaire nitong Hunyo sa parehong producers.

Tsika at Intriga

Sinamantala ang pagkakataon? Daniel, pinasok daw si Kathryn habang wala si Mommy Min

At dahil medyo malaki ang Mall of Asia ay kinailangan ni Erik ang tulong ni John na kilala na rin bilang concert director. Matatandaang idinirek ni John ang dalawang gabing sold out Tagpuan concert ni Moira dela Torre noong Pebrero 17-18 at ang 18K for 2018 concert ni K Brosas noong Abril 28, parehas itong ginanap sa KIA Theater.

Ayaw i-reveal ni Erik kung ano ang mga bagong mapapanood sa My Greatest Moments concert sa mga nakaraan niyang show para raw sorpresa, ang sabi lang niya, “dalawang concert ang mapapanood sa isang gabi”, na aabutin nang dalawang oras kaya sulit ito sa lahat ng manonood.

At dahil 15 years na ang tinaguriang King of OPM Theme Songs ay 15 special guests din ang personal niyang inimbitahan. Ilan sa kanila ay sina Regine Velasquez-Alcasid, kapwa niya Star in A Million finalist (2003) at kaibigang matalik na si Christian Bautista, Moira, Kyla, Yeng Constantino, Jason Dy, Daryl Ong, Jay-R, Jaya, Vina Morales, Angeline Quinto at Ogie Alcasid. May tatlo pang hindi naisama si Erik dahil hindi pa sumasagot.

“Kung tutuusin nga, maraming kulang dahil ang dami kong naging kaibigan na tumulong sa akin when I was just starting my career. E, kailangan 15 lang talaga kaya hindi ko naisama lahat,”sabi ni Erik.

Tinanong namin kung bakit wala si Sheryn Regis na ka-batch din niya, “wala eh, nasa US,” kaswal na sabi ng mang-aawit.

Paano naman ilalarawan ni Erik ang buhay niya ngayon na successful na singing career niya, concerts at album.

“Greatest kasi I have the greatest managers, I have the greatest friends in showbiz, I got the greatest experience ng isang taong nangangarap na maging isang mang-aawit. Kung anuman ‘yung na-experience ko for the past years, for me, that was (the) greatest experience,” sabi ni Erik.

Habang tinatahak ni Erik Santos ang 15 years sa karera niya, ay maraming beses na rin siyang nadapa at bumangon.

“Hindi naman nawawala ‘yan. Saka kung walang mga low point, paano ka mag-i-improve bilang tao?,” katwiran ng binatang singer.

Ano pa ba ang kulang o pinapangarap ni Erik pagkalipas ng 15 years?

“Siguro gusto kong ma-achieve ‘yung pangarap ng bawat Filipino artist. To have a chance to show their talent in the whole world, so kung mabibigyan ng pagkakataon na makapaglabas ako ng album internationally, I will be thankful talaga.”

At mukhang matutupad nga ito dahil may Singaporean producer na nakilala ni Erik at gusto siyang ipag-produce ng album. Kaya pagkatapos ng concert ay mag-aaral siya ng Mandarin para sa kakantahin niyang kanta na orihinal na komposisyon.

Maglalabas din ng 15th year album si Erik na kumbinasyon naman ng original songs, brand new songs at collaboration with different artists.

Samantala, tinanong namin si Erik tungkol sa lovelife at buong ningning niyang sinabing, “wala, eh,” aniyang nakangiti.

‘Yung usapan daw nila noon ni Angeline na maghihintayan ay wala na, naglaho na at hindi na mangyayari. “Tapos na ‘yun, wala na,” sambit pa ng binata.

Naniniwala naman din si Erik na may ibibigay na tamang babae sa kanya ang Diyos kaya naghihintay lang siya.

Inamin din niya sa amin na gustung-gusto na niyang magkaroon ng pamilya at magkaanak dahil 35 years old na siya.

“Dumating na ako sa buhay ko na seryoso na talaga, kung may dumating gusto ko siya na, tapos na ako sa boyfriend/girlfriend status,”say pa.

Hindi naman itinanggi ni Erik na may mga nagpaparamdam o nagpapa-cute sa kanya at inaamin niyang minsan ay lumalabas siya pero hindi pa raw niya nakikita ang magic para masabing in-love na siya.

Well, kahit naman walang kasintahan si Erik ay blooming pa rin siya, ‘yun nga lang napansin naming may mga puting buhok na siya.

“Oo nga, eh. Wala akong time pakulayan,” napangiti nitong sabi.

Samantala, masaya si Erik dahil halos sold-out na ang Platinum, VIP A and B, Patron A, C and B at ang natitira na lang ay Lower Box A and B, Upper box at General Admission tickets.

Mapapanood ang My Greatest Moments sa Setyembre 22 sa Mall of Asia Arena produced by Cornerstone Concerts at Lucky 7 KOI Productions presented by Advance Aesthetics, ni Dra. Venia Javellana.

-Reggee Bonoan