Arestado ang dalawang suspek sa acid attack na ikinasugat ng isang security guard sa Valenzuela City nitong Linggo.

Kinilala ang biktima na si Edwin Retreta Odavar, 36, tubong Nabua, Camarines Sur, at residente ng Dulong Tangke, Malinta, Valenzuela City.

Si Odavar ay nagtamo ng sunog sa kaliwang mata at labi at isinugod sa Fatima University Medical Center sa MacArthur Highway, Valenzuela City.

Arestado naman sina Vicente Yape Sumeguin, 49, residente ng Marilao, Bulacan; at Benny Romero Alarcon, 52, tubong Bicol, residente ng Valenzuela City; kapwa factory workers.

Ethics complaint mula sa indigenous group, inihain laban kay Rep. Castro; dapat daw tanggalin sa puwesto?

Naglilingkod ang tatlo sa iisang kumpanya.

Base sa police report, mula sa trabaho ay naglalakad pauwi si Odavar sa kahabaan ng San Francisco Street, Karuhatan, Valenzuela City, bandang 6:30 ng umaga.

Biglang sumulpot si Sumeguin at sinabuyan ng caustic soda (sodium hydroxide) ang biktima.

Tumakas ang suspek sakay sa itim at gold Suzuki Raider 150 motorcycle, na minaneho ni Alarcon patungong MacArthur Highway.

Makalipas ang ilang sandali, naaresto si Sumeguin malapit sa pinangyarihan matapos ipaalam ng isang guwardiya na siya ay naroon.

Naaresto si Alarcon sa follow-up operation.

Ayon kay PO3 Regor Germedia, galit ang mga suspek sa biktima dahil sa paulit-ulit nitong paninita sa pagtulog at paggamit ng cell phone, na kapwa paglabag sa polisiya ng kumpanya.

Nakuha sa mga suspek ang isang 300 ml bottle na naglalaman ng caustic soda na ginamit sa biktima at ang getaway motorcycle.

Kakasuhan ang mga suspek ng Serious Physical Injuries.

-Minka Klaudia S. Tiangco