Hinimok kahapon ni Senate minority leader Franklin Drilon ang bagong talagang si Chief Justice Teresita Leonardo-De Castro na umiwas sa pakikilahok sa lahat ng pending politically-charged cases sa Supreme Court para maiwasan ang anumang pagdududa at haka-haka na ang kanyang appointment ay isa lamang pabuya dahil sa kanyang papel sa pagpapatalsik sa pinalitan niyang si Maria Lourdes Sereno.

“All questions, issues, and doubts surrounding the appointment of Chief Justice Teresita Leonardo de Castro, particularly with regard to her impartiality, can only be addressed if the newly-appointed chief magistrate refrains from participating in any political case pending before the court,” saad sa pahayag ni Drilon.

“I encourage her to inhibit from politically charged cases in order to uphold the integrity of the decision that the Supreme Court may make during her short tenure,” sinabi ng minority chief.

Kabilang sa politically charged cases na nakabitin sa SC ay ang electoral protest ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Vice President Leni Robredo. Ang Supreme Court, umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal, ang dumidinig sa electoral protest case.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Nasa mesa rin ng SC ang hamon ng oposisyon sa desisyon ng Pangulo na bumitaw ang Pilipinas sa Rome Statute.

Samantala, tiniyak ni Rep. Doy Leachon (1st District, Oriental Mindoro), Chairman ng House Committee on Justice, na magiging “impartial at transparent” ang pagdinig sa impeachment complaints laban sa pitong SC justices na bumoto para patalasikin si Sereno, kabilang na si CJ De Castro

Kahapon ang unang araw ni De Castro sa Supreme Court bilang bagong pinuno nito at mainit na pagtanggap ang sumalubong sa kanya dakong 8:15 ng umaga. Dinatnan ni De Castro ang mga puti at pulang lobo na nakatali sa main entrance ng Supreme Court at inabutan din siya ng bulaklak ng mga empleyado.

Hindi pa pormal na nakakapanumpa sa puwesto si De Castro dahil hinihintay pa ang official transmittal ng appointment papers niya mula sa Office of the President.

-HANNAH L. TORREGOZA, BETH CAMIA, at BERT DE GUZMAN