MALAKI ang pag-asa ng mga economic planners ng bansa para sa pambansang ekonomiya nang planuhin nila ang TRAIN— Tax Reform for Acceleration and Inclusion. Hangad nilang makuha ang suporta para rito sa pamamagitan ng probisyong nagtatapyas sa buwis ng maraming empleyado mula 30 porsiyento patungong 21%, isang kawalan sa kita ng gobyerno mula sa buwis sa kita. Ngunit bumuo rin ng panibagong mga buwis ang mga economic planners, upang mabawi, ayon sa kanila, ang nawalang kita.

Maipapalagay na pinakakritikal sa lahat ng bagong mga buwis ang taripa sa diesel at iba pang gatong, na wala naman dati. Ang taripa sa gatong ang nagpataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, dahil sa pagtaas ng gastos sa pagbibiyahe ng mga kargamento. Tumaas rin ang pamasahe sa jeep. Nagdusa ang mga planta ng kuryente na gumagamit ng diesel. Nariyan din ang pagtaas ng presyo sa mga inuming alcohol at matatamis kaugnay ng pagtaas ng buwis sa mga ganitong produkto.

Inaasahan na malakas na maisusulong ng TRAIN ang ekonomiya ng bansa – tulad ng imahe ng isang makina ng tren na humihila ng mahabang linya ng mga bagon. Gayunman, ang metapora nito’y hindi naging makatotohanan sa mga pangako nito. Sapagkat sa halip na dumagundong pasulong na tulad ng isang tren ang ekonomiya, tila nadiskaril ito at pinabagsak ng nagtataasang presyo ng pangunahing mga bilihin—ang inflation.

Malamang na dahil hindi na kaaya-ayang pakinggan ang TRAIN, nagdesisyon ang mga economic planners na pangalanan ang karugtong nitong batas sa buwis na sumasakop sa corporate taxes. Hindi na ito TRAIN 2; bagkus ito na ngayon ang Tax reform for Attracting Better and Higher-quality Opportunities o TRABAHO.

Tsika at Intriga

Kris Aquino, nagsalita sa chikang ikinasal na siya sa non-showbiz boyfriend

Ang ikalawang bugso ng buwis na ito ang umano’y magpapababa sa buwis sa kita ng mga negosyo mula 30% patungong 20%. Magpapataas ito sa kanilang kabuuang ikita na makatutulong sa mga kumpanya upang mapalawak ang kanilang operasyon at kumuha ng mas maraming empleyado—samakatuwid TRABAHO. Sa ngayon, nasa 900,000 micro, small at medium na negosyong makikinabang sa lower income tax.

Ngunit plano rin ng panukalang-batas na ito na tanggalin ang insentibong ibinibigay ng gobyerno na ngayon ay tinatamasa ng nasa 3,000 kumpanya sa pamamagitan ng tax exemption. Marami sa mga kumpanyang ito ay dayuhan na naakit ng ilang taon na magtayo ng kumpanya sa ilang export zone ng bansa. Lumago at umangat ang mga kumpanyang ito sa ilalim ng paborableng kondisyon, na nagbibigay naman ng mas maraming trabaho sa proseso. Kung sakaling tatanggalin ang mga insentibo sa TRABAHO, maaaring marami ang piliing isara na lamang ang kanilang operasyon sa Pilipinas at lumipat sa ibang lugar.

Malinaw na batid ng mga economic planners ng pamahalaan ang posibilidad na ito at na naglaan ng P500 milyong “structural adjustment fund” upang alalayan ang maaaring mawalan ng trabaho at isa pang P500 milyon upang muli silang sanayin. Taun-taon itong papalitan sa loob ng susunod na limang taon.

Isinisisi ng marami sa TRAIN 1 ang pagtaas ng mga presyo na namemeste sa ekonomiya, ito’y sa kabila ng iginigiit ng mga ekonomista ng pamahalaan na ang pangunahing rason ng inflation ay dahil sa pandaigdigang pagtaas ng presyo ng langis at ang palagapak ng halaga ng piso. TRAIN 1 man o hindi ang rason ng nararanasang inflation, ang tiyak ay isa itong pangunahing salik.

Bago tayo sumuong sa panibagong kabanata na dapat sanang TRAIN 2, dapat na mag-alay ng mas maraming oras at pagsisikap ang mga economic planners ng pamahalaan sa pag-aaral ng mga posibleng masamang epekto nito, lalo’t higit sa maraming dayuhang kumpanya na nakalagak sa ating mga export zone dahil sa kaakit-akit na insentibo ng pamahalaan—na ngayon ay nagbabadyang alisin.