Isang may sakit na ama ng tahanan ang pinatay sa saksak ng kaisa-isa niyang anak, na hinihinalang naburyong sa kasagsagan ng mainitan nilang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City, kahapon.

Ayon kay Mandaluyong City Police chief, Senior Supt. Moises Villaceran Jr., matigas na ang bangkay ni Rodolfo Bonsato, 64, nang matagpuang may mga saksak sa katawan, sa loob ng kanilang bahay sa Welfareville Compound, Bgy. Addition Hills.

Naaresto na si Rolando Bonsato, 43, sa follow-up operation at nadakip sa bahay ng isang kaanak sa MRR Street sa Bgy. Barangka Ibaba.

Batay sa paunang imbestigasyon ni SPO3 Emmanuel Ermino, nabatid na bago nadiskubreng patay ang matanda ay narinig ng isang kapitbahay ang pag-aaway ng mag-ama dakong 2:00 ng umaga.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa kasagsagan ng pagtatalo ay narinig pa umano ng kapitbahay na sumigaw at humingi ng tulong ang biktima, ngunit hindi nakialam ang mga kapitbahay dahil bukod sa takot na madamay ay sanay na silang nag-aaway ang mag-ama—na sila na lang ang magkasama sa bahay dahil biyudo na ang biktima.

Kinabukasan, dakong 7:00 ng umaga, ay nagulantang ang mga kapitbahay nang madiskubreng patay na ang matanda.

Nabatid na dati nang pinagtangkaan ni Rolando ang buhay ng ama nang pagtatagain ito, subalit nakaligtas ang matanda at nagsampa ng reklamo laban sa anak.

-Mary Ann Santiago