Binuweltahan ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde ang mga kritiko ng anti-narcotics team na umaresto sa tatlong abogado dahil sa obstruction of justice, nang sabihing mas nakaaalarma ang ginawang pakikialam ng grupo sa isang lehitimong operasyon ng mga pulis.
Nandigan si Albayalde na may “compelling reason” ang mga miyembro ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City Police para arestuhin sina Jan Vincent Soliven, 34; Lenie Rocel Rocha, 25; at Romulo Bernard Alarkon, 33, pawang abogado, habang nagpapatupad ng search warrant sa Times Bar nitong Agosto 16.
Puntirya ng search warrant ang dalawang vault sa loob ng bar, na hindi umano nabuksan nang una itong salakayin.
“Hindi kaya mas nakakaalarma ‘yung pakikialam nila sa mga pulis natin? Baka ‘yun ang mas alarming. In fairnesss sa police, hindi nila gagawin ‘yun without a compelling reason,” sinabi ni Albayalde sa press briefing sa Camp Crame kahapon.
“Remember ‘yung mga pulis, they know the law also. Although hindi kasing galing ng mga abogado pero alam nila ang ginagawa nila. I think they have this good reason bakit ginawa nila ‘yun. There’s assumption of regularity at hindi puwedeng sabihin na mali ‘yung ginawa ng mga pulis,” depensa pa ni Albayalde.
Ayon pa PNP Chief, sa halip na pumasok sa lugar nang hindi nagpapakilala at nabalam pa ang operasyon, dapat ay nag-obserba at inalalayan na lang ng mga abogado ang mga pulis.
“Anong authority mo para huwag pahintulutan buksan ‘yung bagay na ‘yun? Wala silang authority,” giit ni Albayalde.
Una nang binatikos ng ilang grupo at mambabatas ang pag-aresto ng mga pulis sa tatlong abogado ng Desierto and Desierto Law Firm.
Samantala, ginawaran naman ang mga miyembro ng Makati City Police ng medals of distinction dahil sa matagumpay nitong operasyon sa Times Bar, kung saan nasa P1.6 milyon halaga ng party drugs at marijuana ang nakumpiska nitong Agosto 11.
Mismong si Albayalde ang nag-abot ng Medalya ng Kagalingan kina Senior Supt. Rogelion Simon, hepe ng Makati City Police; Insp. Jeson Vigilla, hepe ng Makati PNP-SDEU, at apat na tauhan ni Vigilla.
Bukod sa parangal, makatatanggap din ng libreng legal assistance ang mga pulis lalo’t inaasahan na ang paghahain ng counter-charge laban sa mga ito.
-Martin A. Sadongdong, ulat ni Fer Taboy