Ni CLEMEN BAUTISTA

ANG malamig na Disyembre ay buwan sa kalendaryo ng ating panahon na pinakahihintay na sumapit ng marami nating kababayan. Para sa kanila, puno ng pag-asa ang Disyembre sapagkat sa buwang ito ipinagdiriwang ang pagsilang ng Dakilang Mananakop, o ang araw ng Pasko. Kahit na may krisis sa kabuhayan, ang Disyembre ay naghahatid ng pag-ibig, pag-asa, galak at pananalig.

Ang unang araw ng Disyembre ay natatangi at mahalaga para sa buong staff, reporter at mga provincial correspondent ng pahayang Balita sapagkat ipinagdiriwang naming ang taunang anibersaryo ng minamahal naming pahayagan. Ang Balita, na nangungunang pahayagang Filipino sa bansa ay patuloy sa matapat na paglilingkod sa bayan sa larangan ng pamamahayag. Sa pagdiriwang nito ng ika-47 taon ngayong 2018, taglay pa rin ng Balita at hindi magbabago ang pangako sa sambayanan na maninindigan lagi sa katotohanan, kalayaan at katarungan.

Probinsya

Mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, kumpare raw ng mga biktima

Sa nakalipas na mahigit na apat na dekada, nahinog sa karanasan ang Balita. Nagkamit ng mga tagumpay, karangalan at pagkilala sa paglilingkod sa larangan ng print media. Dumanas din ng mga pagsubok at krisis ngunit hindi nanlupaypay. Kumbaga sa buhay ng tao, bumangon, nagpanibagong lakas, at ang mga pagsubok ay nagsilbing inspirasyon upang magpatuloy. Sa paglilingkod at paghahatid ng mahahalagang balita at makabuluhang impormasyon sa mga mambabasa.

Ayon sa kasaysayan, isinilang ang Balita noong Disyembre 1, 1972. Itinuturing ito na “anak” ngLiwayway magasin sapagkat ito’y dating suplemento ng nasabing magasin sa Pilipino. Utang ang pagsilang ng Balita kay G. Clodualdo del Mundo, kilalang nobelista at editorial director ng Liwayway. Si Mang Danding (tawag kay G. del Mundo) ang nagmungkahi sa mataas na pamunuan ng Liwaywayna maglabas ng isang pahayagan sa Filipino matapos na ipahayag ng diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos ang Martial Law noong Setyembre 21, 1972. Ang Balita ang naging tugon sa pagkauhaw ng mamamayan sa mga katotohanan na nagaganap sa bansa.

Ang unang editor ng Balita ay si Manuel Car Santiago, isang kilalang manunulat at nobelista. Pinalitan siya ni Domingo Quimlat. Staff member ni Mang Domeng (tawag kay G. Quimlat) ang mga kilalang manunulat at makata na sina C.C. Marquez Jr., Mario Cabling, Dado Magadia, Pekto Manaois, Art Gole Cruz, at Ching Reyes-Ilagan. Ang mga reporter naman ay mga kilala ring manunulat tulad nina Ros “Kaka” Olgado, Vangie Sarenas, Pilar Milambiling, Bert de Guzman, na isa nang kolumnista ngayon; Danny Valdez, na naging sports editor; Ninoy T. Sofranes, at iba pang kilalang mahuhusay na peryodista.

Nang sumapit ang 1986, pumalit kay Mang Domeng Quimlat bilang editor in-chief ng Balita ang premyadong manunulat at ang kauna-unahang manunulat na Pilipino na naging Pangulo ng National Press Club (NPC), si Marcelo “Ka Celo” Lagmay. Nang hirangin ni Pangulong Fidel V. Ramos si Ka Celo noong 1994 bilang Assistant Press Secretary sa Malacañang, pumalit sa kanya si dating Bataan Board Member Rod Salandanan, kilala ring makata, manunulat, nobelista at editor ngLiwayway magasin, at isa nang beteranong kolumnista. Bahagi rin ng pahayagan ang kolum ng premyadong manunulat na sina Edgar Reyes, Greg Laconsay, Bella Angeles, Rey Sibayan at iba pa.

Ang inyong kolumnista, makalipas ang isang taon ay lumapit kay Mang Danding at nag-apply na correspondent. Natanggap naman. Ibinigay na beat sa akin ang lalawigan ng Rizal Eastern Police District at Quezon City. Sa coverage sa nasabing mga lugar, tuloy pa rin ang pagtuturo ko sa La Salle Greenhills ng Panitikan at ang pagiging correspondent ng DZRH. Nagsulat din ng tula, balitang showbiz at artikulo sa Balita at Liwayway. Nagretiro ako sa pagtuturo sa La Salle Greenhills noong school year 2004-2005. Naging correspondent din sina Benny Rillo (naging pangulo ng ASBAC o Association of Balita Correspondent), Leandro Alborote, Rizal Policarpio, Lyka Manalo, Rizaldy Comanda, Danny Estacio, Nathan Cruz, Eddie Bunag, Fil Gonzales, Manny de la Cruz, Pete Salazar at iba pa. Correspondent pa rin ng Balita ang iba at kasamahan na ngayon ng mga correspondent sa Metro Manila at mga lalawigan. Makalipas ang dalawang taon, noong 1998, nagbalik si Ka Celo Lagmay bilang editor ng Balita. Sa pagbabalik ni Ka Celo, ang staff member na si Dindo Balares, tuklas na manunulat ng Liwayway, ay naging entertainment editor; at si Dennis Iñigo ay naging sports editor, kasama pa rin bilang mga correspondents sina Maricar Evangelista, Evelyn Quiroz, Glo Custodio, at iba pa.

Ang pagbabago’y bahagi ng panahon. Noong ika-17 ng Abril 2005, ang Balita, kasama ang Liwaywaymagasin ay inilipat ang publikasyon sa Manila Bulletin Publishing Corporation sa Intramuros, Manila. Naging editor-in-chief si Dr. Cris J. Icban at ang premyadong manunulat na si Ariel Borlongan ang Associate Editor. Ang ibang staff member ay nagretiro, habang ang ilang reporter at correspondent ay lumipat sa iba’t ibang pahayagan.

Sa ilalim ng pamamahala ng Manila Bulletin, nabigyan ng modernong mukha ang Balita. Lalo itong naipagmalaki dahil sa pagiging malaman, makulay, makahulugan at pagiging disente o malinis nito. Sinasabi ng maraming kritiko na puwede mong basahin ang Balita kahit nasa loob ka ng simbahan.

Noong Oktubre 2, 2008 umanib sa Balita ang isa pang batikang peryodista, si Fort Yerro bilang Managing Editor.

Marso 1, 2008 ay kinilala at itinanghal na Best Newspaper in Filipino ang Balita sa idinaos na 6th Gawad Tanglaw Para sa Sining at Kultura. Ang Gawad Tanglaw ay isang grupo ng mga kritiko, iskolar, historians at mga propesor sa Humanities.

Iyon ang una, at sinundan ng apat pang katulad na pagkilala sa magkakasunod na taon hanggang parangalan bilang kauna-unahang Best Newspaper in Filipino Hall of Famer ng Gawad Tanglaw noong 2013, sa ilalim ng liderato ng Editor nitong si Aris R. Ilagan, anak ng isa sa mga orihinal na patnugot ng Balita na si Ching Reyes-Ilagan.

Pebrero ngayong 2018 naman nang tanggapin ng Balita ang 2017 Best Tabloid Award mula sa Guild of Educators, Mentors and Students (GEMS).

Sa kasalukuyan, si G. Icban pa rin ang editor-in-chief ng Balita, habang araw-araw na nagtutulung-tulong sa pagsasara ng 16 na pahina ng pahayagan ang mga staff member nitong sina Jet Navarro-Hitosis, Edwin Rollon, Ellaine Dorothy Cal, Marichelle Quitayen, Dianara Alegre, Myca Cielo Fernandez, at Rommel Tabbad (na dating empleyado ng Balita sa ilalim ng pamunuan ng Liwayway Publishing), kasama si Angelli Monique Catan sa online operations, at ang mga graphic artists na sina Dickson Dizon, Joanne Brioso, at Ricky Velasquez.

Sa 46 na taon nito, walang dudang isa nang institusyon sa print media ang Balita. Tagapagtanggol ng katotohanan at kalayaan. Sa paglilingkod, kasama lagi at naroon ang pagkakaisa at suporta sa buong Team Balita. At magpapatuloy ito sa matapat na paglilingkod sa larangan ng pamamahayag, mananatiling isang mapagkakatiwalang tagapaghatid ng mahahalagang balita at makabuluhang impormasyon sa sambayanang Pilipino, dito at sa ibang bansa.