Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang ina at isang taong gulang niyang anak na babae makaraan silang pagsasaksakin ng kapitbahay nilang street sweeper sa Valenzuela City, nitong Linggo ng hapon.

Sa ulat kay Senior Supt. David Nicholas Poklay, hepe ng Valenzuela City Police, kinilala ang mga biktimang sina Jolina Calpito, 22; at Ayesha Glee De Leon, kapwa taga-Binatugon Street, Barangay Ugong, Valenzuela.

Sa pagsusuri ng Scene on the Crime Operations (SOCO), nagtamo ang mag-ina ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nadakip naman sa follow-up operation nina Senior Unsp. Jose Hizon, hepe ng Station Investigation Unit (SIU) at Insp. Marissa Arellano, hepe ng Follow-Up Division, ang suspek na si Lefferian Dupilas, 21, binata, ng S. Feliciano Street, Bgy. Ugong.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Kuwento ni Gleemar De Leon, 24, asawa ni Calpito, galing siya sa trabaho at umuwi pasado 5:00 ng hapon nang madiskubre ang krimen.

“Kinabahan ako nang makita ko na may pumapatak na dugo galing sa 2nd floor ng aming bahay,” ani De Leon, at pag-akyat ay nakita ang mag-ina na kapwa duguang nakahandusay at walang malay.

“Humingi ako ng tulong sa mga kapitbahay para dalhin sa ospital ang mag-ina ko, pero wala na silang buhay,” umiiyak na kuwento ni De Leon. “Ang sakit, eh, iniwan ko ang mag-ina ko na masaya pa. Tapos dadatnan ko ng kapwa wala nang buhay.”

Batay sa imbestigasyon, nakonsensiya ang kapatid ng suspek na si May Ann Dupilas at inginuso ang una na gumawa ng krimen.

Lalo pang nadiin ang suspek nang ibalik ng isa pa niyang kapatid, si Jerina Lopez, ang tablet, cell phone, at coin purse na ninakaw umano nito sa bahay ng mag-ina.

Maging ang duguang basketball jersey shirt na suot ng suspek nang gawin umano ang krimen ay isinuko rin ng sariling kapatid sa mga pulis.

Nahaharap ang suspek sa robbery with homicide (two counts), at walang piyansang inirekomenda ang piskalya para sa kanya.

-ORLY L. BARCALA