Sa kabila ng walang humpay na pag-uulan nitong Linggo ng gabi hanggang kahapon ng umaga, may kabuuang 110 katao pa rin ang nahuling lumabag sa iba’t ibang ordinansa sa katimugang bahagi ng Metro Manila.
Sa ipinarating na ulat ni Chief Supt. Tomas Apolinario, director ng Southern Police District (SPD), nagsagawa ng implementasyon ng mga ordinansa ang mga pulis sa Pasay, Makati, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Taguig, at Pateros ang SPD, dakong 10:00 ng gabi nitong Linggo hanggang 5:00 ng umaga kahapon.
Sa naturang bilang, dalawa ang nahuling umiinom sa pampublikong lugar, 42 ang naninigarilyo, lima ang nakahubad-baro, at 61 menor de edad ang nasagip habang may curfew.
Nabatid na pinakamaraming naitalang ordinance violator sa Muntinlupa, na umabot sa 51, habang wala namang pasaway sa Taguig.
Ayon kay Apolinario, 40 sa mga lumabag ang pinagmulta at 70 naman ang pinagsabihan o binigyan ng warning.
-Bella Gamotea