IPALALABAS sa unang pagkakataon ang digitally restored at remastered na Nunal sa Tubig, isang obra ng National Artist for Cinema na si Ishmael Bernal, sa mga microcinema sa Metro Manila matapos itong mag-premiere sa ika-14 na Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, noong Miyerkules, Agosto 8, sa CCP Little Theater.

Nunal sa Tubig

Mapapanood ito sa Black Maria Cinema mula Agosto 10 hanggang Agosoto 16 at sa Cinema Centenario sa Agosto 19 at Agosto 24.

Tungkol ito sa isang barrio na nasa maliit na isla, sa gitna ng isang lawa at kung paano ito maaapektuhan ng pagbabago ng panahon. Nasasalamin ang sigalot na ito sa relasyon ni Benjamin (George Estragan) sa dalawang babae mula sa isla, si Chedeng (Daria Ramirez), at si Maria (Elizabeth Oropesa).

Tsika at Intriga

Nora lumapit para ibenta lupain sa Iriga; Chavit, sinagot hospital bills niya

Itinuturing na isa sa mga dapat panooring pelikula ni Ishmael ang Nunal sa Tubig. Kabilang ito sa listahan ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino ng pitong pinakamahuhusay na pelikula noong ‘70s.

Nanalo ito ng Best Picture mula sa 1977 Catholic Mass Media Awards at nakatanggap ng pitong nominasyon mula sa Gawad Urian Awards noong 1977 kabilang ang Best Picture, Best Screenplay, Best Cinematography, Best Production Design, at Best Sound. Nominado naman sa pagka-Best Actress para sa kanyang pagganap si Daria Ramirez, habang si Ishmael Bernal ay nakatanggap ng nominasyon sa Best Direction.

Mahigit 160 pelikula na ang naibalik ng ABS-CBN Film Restoration. Ang ilan sa mga ito ay naipalabas na sa international film fests, sa red carpet premieres dito sa bansa, naere sa free-to-air at cable television, natunghayan sa pay-per-view at video-on-demand, at nabili sa DVD at na-download maging sa iTunes.