Kasing-tindi ng Bagyong Ondoy ang naranasang baha ng mga residente sa mga lugar na pinagdadaluyan ng Marikina River, tulad ng Marikina City at ilang bayan sa Rizal, nitong Sabado.

MATIBAY ‘TO! ‘Di alintana ang hampas ng mga alon, patuloy sa pangongolekta ng mapapakinabangang basura ang babae sa Manila Bay. (ALI VICOY)

MATIBAY ‘TO! ‘Di alintana ang hampas ng mga alon, patuloy sa pangongolekta ng mapapakinabangang basura ang babae sa Manila Bay. (ALI VICOY)

Ang walang puknat na ulan na dulot ng habagat ay nagdulot ng malawakang pagbaha sa Metro Manila, at mahigit 50,000 katao ang inilikas upang makaiwas sa kapahamakan.

Umabot sa 20 metro ang level ng Marikina River sa kasagsagan ng ulan nitong Sabado ng hapon, tatlong metro lang ang baba sa level nang manalasa ang Ondoy noong 2009.

Eleksyon

De Lima, buo pa rin tiwala kay Ex-VP Leni sa kabila ng pag-endorso kina Pacquiao, Abalos

Sa loob lang ng anim na oras ay nagbuhos ang Ondoy ng ulan na katumbas ng isang buwang pag-ulan.

Nasa 464 ang namatay dahil sa Ondoy at 37 ang nawawala.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang ulang binuhos ng habagat ay umabot sa 270 millimeters. Ito ay katumbas ng mahigit na kalahati ng karaniwang pag-ulan sa Metro Manila ngayong buwan.

Hindi pa rin ito papantay sa 455 mm na ibinuhos ng Ondoy.

Tinatayang magtatagal pa ang masamang panahon dahil humihigop ng lakas ang habagat mula sa tropical storm na Karding, kahit na papalayo na ito sa bansa.

Sa panayam sa telebisyon, sinabi ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro na “talagang kakaiba” ang nangyaring pagbaha nitong Sabado, kung saan ang tubig ay lampas-tao sa ilang lugar.

Sa Marikina, Quezon City at Pasig City ang may pinakaraming taong lumikas, ayon kay Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Nitong Linggo ng umaga ay 21,137 residente ng Marikina ang nagkanlong sa evacuation centers; 4,543 sa Pasig; at 2,991 sa Quezon City.

May 1,623 katao naman ang nag-evacuate sa Malabon, Valenzuela at Navotas, habang 141 sa Maynila.

Ilang pamilya rin ang lumikas sa Mandaluyong at San Juan, ani Eleazar.

Nasa 19,184 na katao naman ang nasa evacuation centers sa Cainta, Rodriguez, San Mateo at Antipolo City sa Rizal, iniulat niu Chief Supt. Edward Carranza, hepe ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) police.

Marami sa mga lumikas ang nagsibalikan sa kanilang bahay nang magsimulang gumanda ang panahon.

“I have already ordered all police commanders in Metro Manila to extend all the assistance that they could provide to the affected residents, including transportation to and from evacuation centers and distribution of relief items,” sabi ni Eleazar.

Hanggang kahapon ng umaga, wala pang natatanggap si Eleazar na ulat na may namatay sa pagbaha.

Dahil sa baha, naging terrible rin ang trapik sa Metro Manila, at maraming mananakay ang walang nasakyan.

Sa Cavite, may 450 evacuees ang naitala.

“There were 20 barangays in Rizal which were flooded. There were also stranded passengers in various ports in the region,” dagdag ni Carranza.

Sa Pangasinan, 17 munisipalidad ang mahigpit na binabantayan ng awtoridad matapos iulat kahapon ng National Power Corporation na magpapakawala ng tubig ang San Roque dam.

Madaling araw ng Sabado nang buksan ang isa sa mga daluyan ng dam.

Nakaantabay sa maaring pagtaas ng tubig ang disaster management officials sa San Manuel, San Nicolas, Asingan, Tayug, Sta Maria, Villasis, Rosales, Sto. Tomas, Alcala, Bautista, Bayambang at ilan pang bayan.

Naalarma naman ang mga residente ng Dagupan City, dahil nagmistulang dagat ang downtown area.

Ipinaliwanag kahapon ni Melchito Castro ng Office of Civil Defense sa Region 1 na ang tubig mula sa San Roque Dam ay dadaan sa Agno River na kinabibilangan ng 17 bayan at isang siyudad sa Pangasinan.

-AARON RECUENCO at ELLALYN DE VERA-RUIZ

(Dagdag na ulat mula kay Liezle Basa Iñigo)