NAPANATILI ni Carl Jammes Martin ng Pilipinas ang hawak niyang WBO Oriental Youth bantamweight title nang mapatigil si Huerban Qiatehe ng China sa kanilang sagupaan kamakalawa ng gabi sa Plaza Bayombong, Bayombong, Nueva Viscaya.
Kaagad napabagsak ni Martin si Qiatehe sa 1st round ng sagupaan at dalawang beses ding bumulagta sa 2nd round pero nakarekober sa sumunod na apat na rounds.
Ngunit pagkaraan ng 6th round ay sinabi ng korner ni Qiatehe sa referee na suko na ang challenger kaya ibinigay ang panalo kay Martin via 7th round TKO.
May perpektong rekord na si Martin na 10 panalo, 9 sa pamamagitan ng knockouts at umaasang papasok na sa WBO bantamweight rankings para sa buwan ng Agosto.
Bumagsak naman ang kartada ni Qiatehe sa 7-2-2 na may 2 panalo sa knockouts at nabigo sa unang laban sa labas ng China.
Ito ang unang depensa ni Martin ng WBO Youth belt makaraang matamo ito sa pagpapatulog sa 2nd round kay Tanzanian Hashimu Zuberi noong nakaraang Abril 26 sa Lagawe Central School Gym sa Lagawe, Ifugao.
Noon namang nakaraang Hunyo 21 sa Lagawe, Ifugao rin, pinatulog niya si dating Indonesian light flyweight titlist George Lumoly sa 3rd round para matamo ang bakanteng WBA Asia bantamweight crown.
-Gilbert Espeña