June 08, 2026

Home BALITA National

Palasyo kay Sen. Cayetano: 'Mag-ingat sa mga taong nagpapanggap na banal!'

Palasyo kay Sen. Cayetano: 'Mag-ingat sa mga taong nagpapanggap na banal!'
Photo courtesy: Senate of the Philippines, MB

Pinatutsadahan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro si Sen. Alan Peter Cayetano at pinaalala niyang mag-ingat daw ang publiko sa mga taong nagkukunwaring banal. 

Matatandaan kasing pinaalalahanan ni Cayetano si Sen. Win Gatchalian noong Hunyo 6, 2026, na mag-ingat daw ang huli at huwag magpagamit sa Palasyo pati na rin sa mga kasamahang nagbibigay sa kaniya ng mataas na posisyon. 

“Mag-ingat si Sen. Win kasi maganda naman ang future niya. Huwag kang magpagamit sa Malacañang at doon sa mga kasamahan mo kahit binibigyan ka ng high position,” banat ni Cayetano:

Sa naging naman pahayag ni Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Lunes, Hunyo 8, sinabi niyang mas marami pa raw ang nabiktima sa naganap na mga kaguluhan sa Senado na nasa ilalim pa raw noon ng pamumuno ni Cayetano. 

“Marami pong nabiktima ang kaguluhan sa Senado. Unang una po na nabiktima dito ay ang taumbayan na naniniwala sa integridad ng Senado,” pagsisimula niya. 

National

5 sa 18 ex-bodyguards sumailalim sa individual Q&A, ligwak!—NBI

Dagdag pa iya, “Ang kaguluhan pong ito ay naganap sa pamumuno ni dating Senate President Alan Peter Cayetano.” 

Ani Castro, isa na raw sa maituturing na nabiktima ng mga kaguluhan sa mataas na kapulungan ang mga naging biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa panahon ng giyera kontra droga. 

“Ang mga biktima rito, kasama na rito ang mga umaasa na EJK victims na mapapanagot ang dapat mapanagot,” aniya. 

Diin ni Castro, maituturing din daw na biktima maging si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil na rin daw sa pagprotekta at pagpapatakas ng mga matataas na opisyal ng gobyerno sa tinutugis ng International Criminal Court (ICC) na mga co-perpetrator umano sa War on Drugs, partikular kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. 

“Masasabi rin na biktima dito ang dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa ipinakita na matataas na opisyal pa ang nagkakanlong at nagpapalabas or nagpapatakas sa isang tinatawag na co-perpetrator ng crimes against humanity,” ‘ika niya. 

Giit ni Castro, naganap daw ang lahat ng kaguluhan sa Senado magmula noong Mayo 11 nang muling magpakita si Dela Rosa sa kanilang sesyon at mapalitan ni Cayetano si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III. 

Aniya pa, pati na rin daw sa naganap na putukan sa Senado noong gabi ng Mayo 13 mula sa inisyatiba ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca laban sa mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI). 

Buwelta ni Castro, nasa ilalim daw ng pagpayag at permiso ni Cayetano ang lahat ng nabanggit na kaguluhan sa Senado. 

“Kung ang lahat pong ito ay sinasabing may intervention ang Malacanang, lahat ng iyan ay hindi mangyayari,” pagtanggi niya. 

Pagpapatuloy ni Castro, dapat daw na mas mag-ingat ang taumbayan sa mga taong nagkukunwari at nagpapanggap na maging banal o maka-Diyos. 

“Ang sinasabi ay mag-ingat sa Malacañáng. Mas mag-ingat po ang taumbayan sa mga taong nagkukunwari at nagpapanggap na banal,” pagtatapos niya. 

MAKI-BALITA: NBI, binuweltang 'puro sabi-sabi' mga ebidensya ng 18 bodyguards!

MAKI-BALITA: 5 sa 18 ex-bodyguards sumailalim sa individual Q&A, ligwak!—NBI