Inilahad ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na sumailalim daw ang lima sa 18 na nagpakilalang mga dating bodyguard ni former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa individual question and answer at lumabas daw na kung sino-sinong mga personalidad lang ang itinuturo ng mga nabanggit.
Sa naging pahayag ni Matibay sa ikinasang consultative meeting ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Hunyo 8, 2026, ikinuwento niyang hindi raw pinayagan ng tumatayo nilang abogado na si Atty. Levito “Levi” Baligod na sumailalim sa individual question and answer ng NBI ang 13 na iba pang miyembro ng 18 bodyguards.
“Sinubject namin sila sa individual question and answer, lima lang po ‘yong pumirma. ‘Yong labingtatlo, pinigilan ni Atty. Baligod na pumirma. Gusto pa nga, punitin ‘yong kanilang mga naging statement,” pagsisimula niya.
Ani Matibag, base raw sa kaniyang sariling opinyon, hindi raw titindig ang mga ebidensya ng 18 bodyguards dahil tila raw magkakaroon lang ng fishing expedition ang NBI dahil sa kung sino-sino lang daw ang binabanggit na mga pangalan ng naturang grupo.
“Kung [ako] tatanungin, enough ba para mag-imbestiga? Hindi po tatayo. Baka ang mangyari po sa NBI, nagkakaroon kami ng fishing expedition para ‘yong mga binanggit na pangalan ay imbestigahan namin,” aniya.
Giit naman niya, nananatili pa ring bukas ang kanilang pag-iimbestiga kung may maibibigay na matibay na ebidensya ng 18 bodyguards sa kanilang ahensya.
“Pero hindi po namin inasasara ‘yong imbestigasyon. Hanggang ngayon, bukas po ‘yong imbestigasyon kung meron pong papasok na mga ebidensya na direktang magtuturo o matibay na ebidensya na magpapasa po doon sa probably cause na tinatawag,” paglilinaw niya.
Saad ni Matibag, aabot lamang daw sa 10% ang nalalaman ng 5 sa 18 bodyguards na sumailalim sa kanilang individual Q&A at sabi-sabi na raw ang karamihan sa nalalaman ng mga ito.
“Ang malungkot po, doon sa mga pumirma, lumalabas na 10 percent lamang po ‘yong parang direktang alam nila and all the others are hearsay,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “Lagi nilang tinuturo kung sino-sinong personalidad po or nakita nila sa group.”
Pagtatapos ni Matibag, sinabi na rin daw ng Korte Suprema na pinakamababang value umano ng ebidensya ang mga alegasyon ng 18 bodyguards at sigurado raw na hindi titindig ang mga ebidensya ng naturang grupo kahit sa ahensya ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman.
KAUGNAY NA BALITA: NBI, binuweltang 'puro sabi-sabi' mga ebidensya ng 18 bodyguards!
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, nilinaw na nakadepende sa 18 ex-bodyguards kung sisipot sila sa BRC hearing