Inamin ni Atty. Levi Baligod na dalawa sa kliyente niyang 18 “ex-Marines” ay nagkamali sa pagdawit kay Sen. Loren Legarda bilang isa sa mga umano’y nakatanggap ng male-maletang pera.
Sa press conference na ikinasa sa loob ng opisina ni Sen. Robin Padilla nitong Lunes, Hunyo 8, sinabi ni Baligod na pinakisuyuan ng dating kongresistang si Mike Defensor para ibigay kay Legarda ang pag-amin sa pagkakamali ng dalawang dating sundalo.
“Ang sabi ko nga, pakibigay ito kay Sen. Loren [sabi ko] kay Mike Defensor. Para kung sa tingin niya agrabyado siya, puwede n'yong gamitin ito," saad ni Baligod.
Dagdag pa niya, handa umano silang tanggapin ang anomang hakbang na gagawin ng senadora upang malinis ang pangalan nito mula sa alegasyon.
Matatandaanng kabilang si Legarda sa mga personalidad na binanggit sa testimonya ng 18 dating sundalo na nakakubra ng dalawang medium-sized na maleta sa No. 40 Combridge Street, North Forbes Park.
Bukod kay Legarda, kabilang din umano si Sen. Mark Villar sa pinangalanan noong nakaraang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ng Cayetano-led bloc.
Ngunit hindi gaya ng kay Legarda, nanindigan si Baligod na talagang nakatanggap umano si Villar ng male-maletang pera.
Kaugnay na Balita: 18 ‘ex-Marines,’ Atty. Baligod sumipot sa Senado ngunit ‘di dumalo sa BRC ni Sen. Erwin