Maraming manggagawa ang kakailanganin sa “Build Build Build” infrastructure program ng kasalukuyang administrasyon.
Dahil dito, nagbabalak ang Department of Labor and Employment (DoLE) na magdaos ng reverse job fairs sa labas ng bansa.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na umaasa silang mahikayat ang overseas Filipino workers (OFWs) na umuwi sa bansa.
“We really need workers for these projects,” aniya sa isang panayam nitong Lunes. “(So) I’m thinking of conducting a reverse job fair in several destination countries,” ani Bello.
Kabilang sa mga bansa na binabalak ng DoLE na pagdausan ng reverse job fairs sa Setyembre at Oktubre ay ang Qatar at Saudi Arabia.
Mangangailangan ang “Build Build Build” ng paunang 3,000 manggagawa.
Ngunit ayon kay Bello, target ng gobyerno na makalikha ng 1.2 milyong trabaho sa construction industry kada taon.
Ipinahayag naman ni Bases Conversion and Development Authority President Vince Dizon na ang Jobs Jobs Jobs Portal, isang job matching platform, ay accessible na ngayon sa publiko sa pamamagitan ng www.build. gov.ph at mayroong 11,000 trabaho.
Ilulunsad ng Build Build Build team ang Jobs Jobs Jobs sa SMX Convention Center, mula 8:30 ng umaga hanggang 4:30 ng hapon, sa Agosto 12.
-Leslie Ann G. Aquino at Beth Camia