NITO lamang Hunyo, naitala ang 5.2 porsiyentong inflation rate, ang pinakamataas sa loob ng nakalipas na limang taon, ayon sa Philippine Statistical Authority. Ayon kay Socio-economic Planning Secretary Ernesto Pernia, inaasahan na ng pamahalaan na mararating ng inflation ang rurok nito sa ikatlong bahagi ng taon at unti-unting bababa pagdating ng Oktubre.

Sa sariling pagtataya ng pamahalaan, maaasahan natin ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin hanggang sa susunod na buwan—at ito ay isang positibong pagtataya na hindi sinasang-ayunan ng maraming ekonomista. Dahil ang TRAIN 1—ang pangunahing programa ng pamahalaan sa buwis na ipinatupad ngayong taon ay susundan ng TRAIN 2.

Isinulong ng pamahalaan ang TRAIN 1 bilang daan upang mabababa ang buwis ng mga ordinaryong empleyado mula 31% hanggang 25%. Malawakan itong tinanggap, lalo’t ang 31% buwis ay malinaw na hindi patas para sa mga ordinaryong empleyado; katumbas lamang ito ng buwis na ibinabayad ng mga milyonaryo.

Ngunit nagbibigay daan din ang TRAIN 1 ng ilang paraan upang maitaas ang koleksiyon ng pamahalaan, kabilang ang pagpapataw ng excise tax sa diesel at iba pang panggatong, na nagpapataas naman sa gastos ng pagbibiyahe ng mga pangunahing produktong kailangan ng mga mamimili gayundin ang pagtaas ng pamasahe. Itinaas din nito ang buwis para sa uling, na maganda para sa kapaligiran, ngunit nagbabadyang magdulot ng pagtaas ng bayad sa kuryente lalo’t nananatiling uling ang pangunahing gatong sa mga electric power plant. Itinaas din nito ang buwis para sa mga inuming may asukal, na tinanggap naman ng mga opisyal sa kalusugan lalo’t nagdudulot ito ng labis na katabaan, ngunit nakaaapekto sa negosyo ng mga sari-sari store.

Anu’t anuman, ang mga buwis na ito, na sinabayan pa ng pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis at pagbagsak ng halaga ng piso, ay nagdulot ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin— o inflation, na terminong ginagamit ng mga ekonomista. Inaasahan ni Pernia na magpapatuloy ang pag-angat ng presyo hanggang sa Setyembre, at unti-unting huhupa pagpatak ng Oktubre, ngunit tila pag-asa lamang ang dating nito sa halip na ekspektasiyon.

At ngayong nandiyan na ang TRAIN 2, na panukala naman upang mapababa ang corporate income tax mula 30% patungong 25%. Mula sa TRAIN 1, nais ng pamahalaan na maibalik ang nawalang kita sa buwis sa pamamagitan ng pagtapos sa insentibo sa mga kumpanya na ibinigay sa mga nakalipas na taon. Sa kasalukuyan, nasa 315 batas ang nagbibigay pahintulot sa ‘protection incentives’ at ilan dito ang kinakailangan nang wakasan lalo’t ang 57% ay wala na sa estado ng pagsisimula.

Ngunit ang ibang 43% ay mga kumpanya, marami dito ang matatagpuan sa mga free-trade zone, na nagbibigay ng trabaho sa maraming Pilipinong manggagawa at lumilikha ng mga lokal at iniluluwas na mga produkto na nagpapaangat sa ekonomiya ng bansa. Ang mga ito ay mga dayuhang kumpanya na mabilis lamang na makakalipat sa ibang mga bansa kung mawawala sa kanila ngayon ang kasalukuyang tax incentives.

Sa Kamara, aprubado na ng Committee on Ways and Means ang TRAIN 2 sa tunguhin, subalit sa Senado, hindi prayoridad ang panukalang-batas dahil sa pangamba na maaari nitong palalain ang nangyayaring inflation.

Naiintindihan natin ang pangangailangan ng administrasyon na maitaas ang kita sa buwis upang mapondohan ang plano nitong malawakang programang pang-imprastruktura para sa susunod na apat na taon, ang “Build, Build, Build.” Bigo rin ito sa desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos na ibigay ang bilyong piso sa lokal na pamahalaan bilang bahagi ng kanilang Internal Revenue Allotments. At ngayon nariyan din ang bagong Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao na mangangailangan ng malaking pondo upang mailunsad.

Samakatuwid, maraming bagay ang kinakailangang ikonsidera. Ngunit umaasa tayo na magbibigay din ng marapat na konsiderasyon ang mga tagaplanong pang-ekonomiko ng pamahalaan sa mga karaniwang ordinaryong Pilipino na sinapol na ng TRAIN 1 at ang kailangang pahinga bago muling tamaan ng TRAIN 2.