HUNYO 12, 2018, kasabay ng pagdiriwang natin sa ating ika-120 Araw ng Kalayaan, nagharap sina U.S. President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong Un sa Singapore para sa isang makasaysayang summit.
Sentro ng agenda ng nasabing pulong ang programang nuclear ng North Korea, at higit sa lahat, ito ang mga paunang hakbang para sa kapayapaan, hindi lamang sa Korean Peninsula, kundi maging sa buong mundo.
Ang pandaigdigang interes sa nasabing summit ay hindi lamang dahil sa kahalagahan ng pulong, kundi dahil sa dalawang personalidad na sangkot. Kilala si Trump na mabulaklak sa kanyang mga pananalita, hindi kumbensiyonal ang utak, at pabagu-bago ang isip. Samantalang si Kim ay hindi madaling tantiyahin ang susunod na gagawin, kinaaasaran ng marami sa Western world, at madalas na inilalarawan bilang may diperensiya sa isip.
Bagamat tinuligsa ng ilan ang kasunduang nabuo sa summit dahil sa kawalan ng partikular na detalye, walang duda na makasaysayan ang unang paghaharap ng mga pinuno ng dalawang bansa. Kabilang sa napagkasunduan ang pangako “[to] establish new US-DPRK relations”, at “build a lasting and stable peace regime on the Korean peninsula”. Nangako rin ang Pyongyang “[to] work toward complete denuclearization on the Korean peninsula” habang tiniyak naman ng Amerika na magkakaloob ito ng seguridad para sa dating kaaway na bansang Korean.
Sa kabila ng dokumentadong kasaysayan ng North Korea sa paglabag sa mga pinapasok nitong kasunduan, kumilos ang pamahalaan ni Kim upang baklasin ang ilang pasilidad nito para sa nuclear na armas. Marami pang dapat gawin upang matamo ang ideal na pandaigdigang kapayapaan, subalit para sa akin ay lubhang positibo ang hakbanging ito.
Lilinawin ko ang aking punto. Dapat lang na batikusin si Kim at ang gobyerno ng North Korea nang gawin nitong prioridad ang programang nuclear kaysa kapakanan ng mamamayan nito. Habang naghihikahos at nagugutom ang marami sa North Korea, ang malaking bahagi ng pondo ng bansa ay inilaan sa pagpapalakas ng mga nuclear weapon nito, na dapat ay inilaan sa pagpapasigla ng ekonomiya. Ang matindi, ang mga ganitong desisyon ng pamahalaan ng North Korea ay naging dahilan upang mapagitna ang rehiyon at ang mundo sa tensiyonadong sitwasyong pangseguridad na naging dambuhalang banta sa lahat ng bansa sa daigdig, kabilang na ang Pilipinas.
Naiintindihan kong hindi mababago ng isang summit ang sitwasyong ito. Nauunawaan ko rin na hindi natin lubos na mapagkakatiwalaan na tutupad nga ang pinuno ng North Korea sa naging kasunduan nito sa Amerika.
Subalit naniniwala akong ang estratehiyang ito ang pinakaakma sa pagitan ng mga lider na ang mga daliri ay kapwa kating-kating pumindot sa nuclear button—ang pagharapin sila. Madali para sa atin ang gumawa ng haka-haka tungkol sa pinuno ng North Korea. Pero tama nga kaya ang mga kritiko sa pagbabansag sa kanyang baliw at may diperensiya sa utak?
Sakaling totoo nga, may dahilan ang pagkabaliw na ito. Sa napakamurang edad ay tinanggap na niya ang tungkuling pamunuan ang kanyang bansa, makaraang pumanaw ang kanyang ama. Marahil ay nakaramdam siyang minamaliit siya ng pinuno ng militar ng kanyang bansa, kaya kinailangang ipakita ni Kim na siya ay mahusay at may paninindigan bilang lider, hindi lamang sa kanyang bayan, kundi maging sa buong mundo. Ayaw niyang akalain ng daigdig na siya ay malamya at walang kakayahan.
Isinulong niya marahil ang mga naturang nuclear program ng kanyang bansa dahil nais niyang kilalanin ang kapangyarihan ng North Korea sa pakikipagnegosasyon sa Amerika. Kasabay nito, batid niya ang nakapanlulumong trahedya na sinapit nina Saddam Hussein at Moammar Khadafy.
Pero paano nga ba siya pakikibagayan? Napatunayan na sa kasaysayan, ay hindi epektibo ang pakikialam sa pangangasiwa ng ibang bansa, na nagreresulta sa pagpapatalsik sa mga diktador. Karaniwan nang ang puwersahang pagpapatalsik sa diktador at ang pagtatangka ng ibang bansa na makilahok sa pagbuo ng bagong pamahalaan, ay nagdudulot ng kaguluhang pulitikal, na nagpapalala lamang sa sitwasyon. Sa madaling salita, hindi ito ang solusyon.
Hindi makatutulong ang pagguhit ng caricature ng North Korean leader upang maipursige ang pangunahin nating layunin: Ang katatagan at kapayapaan sa mundo. Sa madalas na pakikiharap sa kanya, mas madali na ang maunawaan siya—ang takbo ng kanyang pag-iisip, ang kanyang mga plano at ideyalismo.
Hindi makatutulong ang pagbatikos natin sa mga lider na hindi natin gusto. Sa katunayan, napipilitan silang ibukod ang sarili. Gayunman, ang pag-unawa sa kanila ay isang positibong hakbangin para sa hinahangad nating positibo rin. Ang paghimok sa kanilang makipagnegosasyon ay nagbibigay ng katiyakan na dayalogo, sa halip na karahasan, ang mangingibabaw.
Maaaring sabihin ng ilan na ignorante ang punto kong ito, pero mas mabuti na ‘yong ignorante kaysa mali, lalo na kung ang pinag-uusapan natin ay mga nuclear weapon na maaaring magwasak sa ating daigdig. Anuman ang ipinalalagay n’yo tungkol kina Trump at Kim, asahan nating maisasakatuparan ang layunin ng makasaysaysang summit para sa ating kapakanan, at para na rin sa kinabukasan ng ating mga anak.
-Manny Villar