TINUPAD ng Department of Agriculture (DA) sa Bicol, sa pamamagitan ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) program, ang pangako nito sa mga benepisyaryo matapos itong mamahagi ng libu-libong sako ng binhi ng bigas, mais at mga pataba para sa mga magsasaka sa Catanduanes, Masbate, at Sorsogon.

Sa isang panayam sa telepeno, sinabi ni DA regional information officer Emily Bordado na seryoso ang DA-Bicol sa pagtugon sa mandato at tunay na halaga ng programa—isang komprehensibong paraan upang makapamahagi ng tulong na kabuhayan para sa mga magsasaka at mga mangingisda sa sampung pinakamahirap na probinsiya sa bansa.

Sa Catanduanes, nakatanggap ng ilang tulong ang mga benepisyaryo sa mga bayan ng Bagamanoc, Baras, Bato, Gigmoto, Panganiban, at San Miguel.

“After the completion of series of trainings on Upland Rice Production, upland dwellers received one sacks rice seeds each along with complete fertilizer. The pre-selected beneficiaries are cultivating an average landholding of one hectare and other groups received packets of vegetable seeds which include okra, pechay, bush and pole sitao and ampalaya,” pahayag ni Bordado.

Sa Masbate, may kabuuang 2,300 sakong binhi ng upland rice, 1,270 sako ng pataba at 430 sako ng binhing mais ang ipinamahagi sa mga benepisyaryo mula sa munisipalidad ng Esperanza, Balud, Pio V. Corpus at Mandaon.

Habang sa Sorsogon, nasa 550 sakong binhi ng upland rice ang ipinamahagi sa mga benepisyaryo sa mga bayan ng Donsol, Pilar, Magallanes, Juban, Sta. Magdalena at Matnog.

Una nang nagsagawa ang SAAD area coordinators sa tatlong probinsiya ng mga panayam sa bawat tahanan ng benepisyaryo upang makita ang pangangailangan at kakayahan, gayundin ang pagtukoy sa mga potensiyal na lugar na kinakailangan ang programa.

Ang SAAD ay isang programang lokal na pinondohan ng DA, na layong mabawasan ang kahirapan sa mahihirap na sektor sa agrikultura at pangingisda.

PNA