Tinatayang 5,000 katao mula sa limang barangay sa Hadji Mohammad Ajul, Basilan, ang lumikas sa kanilang mga bahay simula kahapon kaugnay ng pinaigting na operasyon ng militar laban sa Abu Sayyaf Group (ASG), na sinasabing nasa likod ng car bombing sa Lamitan City kamakailan.
Iniulat kahapon ni Hadji Mohammad Ajul Mayor Talib G. Pawaki na lumikas na ang mga residente (karamihan ay mula sa tribung Yakan) sa mga barangay ng Tuburan, Languyan, Candiis, Langgong, at Buton, upang makaligtas at hindi maipit sa engkuwentro ng dalawang panig. Aniya, “ghost village” na ngayon ang limang barangay.
Ang hakbang ng militar ay kasunod ng pambobomba sa checkpoint ng pinagsanib-puwersang militar at Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) sa Bgy. Bulanting, Lamitan, na ikinasawi ng isang sundalo, limang CAFGU members, at apat na sibilyan, habang anim na katao naman ang naiwang sugatan.
-Nonoy E. Lacson