ILOILO CITY – Nasa 26 na estudyante mula sa isang paaralan sa bayan ng Calinog, Iloilo ang tinamaan ng Hepatitis A.
Ayon kay Dr. Cesar Rey Mestidio, municipal health officer ng Calinog, ang lahat ng kasong ito ay naitala sa iisang paaralan.
Sa panayam sa telepono nitong Martes, sinabi ni Mestidio na inalerto ang mga health officials matapos makitaan ang mga estudyante ng sintomas ng Hepatitis A. Ang mga biktima ay kinabibilangan ng Grade 7 hanggang Grade 12 students na pawang naninilaw at nilalagnat.
Dahil dito, nagsagawa ang Municipal Health Office ng blood samplings at nadiskubreng posiibo ang mga bata sa Hepatitis A.
Natukoy ng health investigators na isang tauhan ng canteen sa nasabing paaralan ang may Hepatitis A, dahil lahat ng estudyanteng positibo sa naturang sakit ay bumili at kumain ng pagkain sa naturang canteen.
Ipinasara ng Municipal Health Office ang canteen at inabisuhan ang mga magulang na baunan ng pagkain ang kani-kanilang mga anak.
"We don’t want it to spread," dagdag ni Mestidio.
-TARA YAP