Inaresto ng mga tauhan ng Paranaque City Police ang isang motorista na sinasabing liaison officer ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos makairingan ang humuling traffic enforcer, kahapon ng umaga.

Mahaharap sa paglabag sa Comprehensive Law of Firearm and Ammunitions (RA 10591) at threat si Silibino Tomas, 47, ng A. Mabini Street, Ermita, Maynila.

Inireklamo siya ni Alvin Ambil, 39, traffic enforcer, binata, ngSan Antonio Valley 8, Barangay San Antonio, Parañaque City.

Sa inisyal na ulat ni Supt. Jenny Tecson, tagapagsalita ng Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente sa C-5 Extension sa Kaingin Road, Bgy. Santo Niño, dakong 8:30 ng umaga.

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs

Nabanggit sa imbestigasyon na pinara umano ni Ambil ang suspek dahil sa paglabag sa batas trapiko, at kaagad umanong nagpakilalang NBI agent si Tomas kaya hiningi ng traffic enforcer ang identification card (ID) nito.

Pero sa halip na ibigay ang driver’s license, nagalit pa umano ang suspek at ipinakita sa biktima ang baril sa kanyang beywang.

Sa puntong ito, nakahingi naman ng saklolo sa mga pulis si Ambil na nagresulta sa pagkakaaresto ni Tomas, na nakumpiskahan ng .45 caliber pistol.

Nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanya.

-Bella Gamotea