Pinatay muna sa saksak ng isang construction worker ang kanyang dating live-in partner nang tumanggi itong makipagbalikan sa kanya, bago niya tinangkang wakasan ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagsaksak sa sarili sa AFP Housing sa San Mateo, Rizal, nitong Linggo.

Kaagad na nasawi dahil sa mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Mary Joy Conde, 26, call center agent, habang sugatan at naka-hospital arrest ngayon si Jordan Ternida, 26, construction worker, ng Barangay Fortune, Marikina City.

Samantala, sugatan din at ginagamot sa ospital ang lola ni Conde na si Anolita Conde, 66, matapos na pagsasaksakin din umano ni Ternida nang tinangkang ipagtanggol ang apo.

Lumilitaw sa ulat ng San Mateo Municipal Police sa Rizal Police Provincial Office na dakong 3:00 ng umaga nang mangyari ang krimen sa bahay ng mag-lola sa AFP Housing sa Barangay Silangan, San Mateo.

Eleksyon

Ben Tulfo sa pagtakbo rin niya bilang senador: ‘This is another Tulfo’

Nauna rito, pinuntahan ni Ternida ang biktima sa bahay nito para ayusin ang kanilang relasyon, ngunit ayaw nang makipagbalikan sa kanya ng biktima.

Nagalit si Ternida, binugbog si Mary Joy bago kumuha ng dalawang kitchen knife at pinagsasaksak ang dalaga, na tinangkang saklolohan ng matanda, ngunit pinagsasaksak din ito ng suspek.

Nang matauhan, tinangka rin umano ng suspek na magpakamatay nang pagsaksakin ang sarili.

-MARY ANN SANTIAGO