Pinagbabaril hanggang sa napatay ng mga hindi pa nakikilalang lalaki ang isang barangay kagawad, na umano’y nasa drug watchlist, sa Tubao, La Union, kahapon ng umaga.
Agad namatay si Nielo Figueroa Baltazar, kagawad ng Barangay Poblacion, Tubao, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Ayon kay Chief Supt. Romulo Sapitula, Police Regional Office (PRO) director, naganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima, bandang 6:20 ng umaga.
Nakasakay sa kotse ang biktima sa kanilang paradahan nang lapitan ng mga suspek at pinagbabaril.
Matapos ang krimen, tumakas ang mga suspek lulan sa isang puting van.
Sa intelligence report, tinukoy na miyembro si Baltazar ng “Amang Drug Group” na nag-o-operate sa La Union.
Nasa watchlist din ito sa La Union.
“Some members of the said drug group were arrested and some died in police operations,” paglilinaw ni Sapitula.
Patuloy ang masusing imbestigasyon.
-Liezle Basa Iñigo