Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng isang Israeli matapos umanong manuntok at manampal ng dalawang katao sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.

Kasong physical injury, malicious mischief at alarm scandal ang kinakaharap ni Jakov Pavolotskiy, nasa hustong gulang, pansamantalang tumutuloy sa isang condominium sa Bradco Avenue, Aseana Business Park, sa Parañaque City.

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente dakong 11:30 ng gabi.

Base sa reklamo ni Leonel Aquino y Benga-Ora, 35, tenant, habang nasa loob sila ng elevator ni Pavolotskiy ay bigla na lang siyang sinuntok nito nang walang dahilan.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Paglabas sa gusali, sinasabing sinampal naman ng suspek si Venus Joy Bico y Gremio, 24 anyos.

Hindi pa umano tumigil si Pavolotskiy, tinadyakan din umano nito ang isang motorsiklo na pag-aari ni Elmer Angeles, nasa hustong gulang.

Pagkatapos nito, sumampa rin umano ang dayuhan sa isang Toyota Corola Sedan, na pag-aari ni Aris Montoya y Nacional, 30, na sanhi ng pagkasira ng sasakyan.

Inaresto si Pavolotskiy ng nagpapatrulyang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2.

-BELLA GAMOTEA