Lumobo na sa 73 ang mga nasawi dahil sa leptospirosis ngayong taon.

Ayon kay Department of Health (DoH) Secretary Francisco Duque III, hindi naagapan ng mga doktor ang leptospirosis ng 73 dinapuan ng sakit dahil hindi kaagad nakapagpakonsulta ang mga ito.

Samantala, umabot naman sa 561 naman ang mga naisugod sa ospital dahil sa nasabing sakit.

“Ang leptospirosis ang cases natin ang naospital ang total natin 561. Madami talaga, 73 ang pumanaw, dahil nga masyado nang huli nung sila ay magpatingin,” sinabi ni Duque sa isang panayam sa radyo.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Aniya, mas mataas ng 275 porsiyento ang nasabing bilang kumpara sa naitalang kaso noong 2017.

“Mataas ‘to, malaki, 275% higher. Malaki talaga, kasi nga kakaiba talaga ang mga ulan natin, minsan walang patid. Minsan buong linggo, eh, umuulan. Lalo na nung mga Hunyo noong kasagsagan ng pagbaha, ‘yun din ang pinakamataas na bilang ng leptospirosis cases natin,” dagdag pa ni Duque.

Kaugnay nito, pinaalalahanang muli ni Duque ang publiko na sakaling lumusong sa baha at nakaramdam ng mga sintomas ng leptospirosis ay huwag nang magpatumpik-tumpik pa at kaagad nang kumonsulta sa doktor.

Ilan, aniya, sa mga sintomas ng sakit ay mataas na lagnat, pananakit ng ulo, paninilaw ng balat, at pamumula ng mata.

Ayon pa sa kalihim, hindi na dapat pang hintayin na manilaw ang balat ng pasyente bago magpagamot, dahil kapag nanilaw na ang balat ay nangangahulugang napinsala na ng leptospirosis ang atay nito.

Una nang nagdeklara ang DoH ng leptospirosis outbreak sa may 28 barangay.

-MARY ANN SANTIAGO