Nakita na ng isang sentensiyadong rapist, na lantarang hinamon ang mga pulis na arestuhin siya sa pamamagitan ng pagpo-post ng selfie niya sa loob ng presinto, ang hinahanap niya.

Masuwerte pa rin ang 36-anyos na si Radden Argomido na hindi siya nanlaban sa mga pulis nang matiyempuhan siya ng mga ito sa San Pedro City, Laguna, at tuluyang madakip makalipas ang ilang taon ng pakikipagtaguan sa mga pulis.

Nobyembre 23, 2016 nang mahatulan si Argomido sa panggagahasa sa isang babae sa Los Baños. Ilang beses niyang nalusutan ang paulit-ulit na pagtatangka ng pulisya na madakip siya.

Unang beses niyang hinamon ang mga pulis nitong Enero 1, 2018 nang bumalik siya sa barangay kung saan niya isinagawa ang panggagahasa at pinagsasaksak ang 66-anyos na ama ng kanyang biktima.

National

Akbayan Party-list, nagpahayag ng suporta sa impeachment laban kay VP Sara

Masuwerte namang nabuhay ang matanda, na nagtamo ng 15 saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Ang huling hamon niya ay napansin na mismo ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Guillermo Eleazar matapos siyang mag-post sa Facebook ng kanyang selfie sa loob ng presinto, habang nasa background niya ang mga pulis, Enero ng taon ding ito.

Naging desidido si Eleazar na arestuhin si Argomido upang turuan ito ng leksiyon kaugnay ng paghamon at mistulang pangmamaliit sa pulisya.

Nag-viral ang nasabing selfie ni Argomido, at binatikos ng ilang netizens ang pulisya dahil lagi silang nalulusutan ng suspek.

Subalit nitong Martes, natiyempuhan ng mga operatiba ng NCRPO Regional Special Operations Unit si Argomido sa panulukan ng Manga at Avocado Streets sa Barangay Pacita 2 sa San Pedro City, Laguna.

Sa kasalukuyan, nakapiit si Argomido sa NCRPO para ilipat sa kustodiya ng National Bilibid Prisons sa Muntinlupa City para pagdusahan ang kanyang sentensiya.

Bukod sa rape, nahaharap din ang suspek sa frustrated murder kaugnay ng pananaksak sa ama ng kanyang biktima.

-AARON B. RECUENCO