Tinawag na ‘Inday’ ang bagyong namuo sa silangang bahagi ng bansa, na inaasahang patuloy na lalakas dulot ng epekto ng habagat, at tinatayang magdudulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan hanggang sa pagtatapos ng linggong ito.

Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA)-Weather Division Chief Esperanza Cayanan, magdudulot ang Inday ng pabugso-bugso hanggang sa malakas na pag-ulan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Apayao, Zambales, Bataan, Pampanga, at Bulacan.

Samantala, kalat-kalat na mahina hanggang sa bahagyang ulan ang mararanasan sa Metro Manila, Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Cavite, Batangas, Laguna, Aurora, Nueva Ecija, at Tarlac, hanggang Biyernes.

Pinaaalalahanan naman ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na maging maingat at magbantay kaugnay ng banta ng baha at landslide, lalo na ang mga nakatira sa mabababa at bulubunduking lugar.

Internasyonal

Dating posisyon ni Pope Leo XIV, ipinasa kay Cardinal Tagle

Kahapon ng tanghali ay tinatayang nasa 660 kilometro sa silangan-timog-silangan ng Basco, Batanes ang Inday, na may lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometers per hour (kph) at pagbugsong nasa 65kph.

Inaasahan namang tatahakin ng Inday ang silangan patungong hilagang-silangan sa mga susunod na araw.

Sa latest track ng PAGASA, hindi inaasahang magla-landfall ang bagyo, bagamat patuloy na lalakas ito dulot ng habagat.

Makakaranas naman ng mga pag-ulan dahil sa habagat sa Bicol Region at Visayas, habang maulap na may kasamang pag-ulan ang mararanasan sa Mindanao.

Naglabas din ang PAGASA ng general flood advisory sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Zambales, Bulacan, Rizal, Quezon, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Palawan, Romblon, Antique, Aklan, Iloilo, Negros Occidental, Cagayan, Isabela at Quirino.

-Ellalyn De Vera-Ruiz