CAMP GEN.PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite - Naglaan ng P200,000 pabuya ang isang kongresista sa sinumang makapagtuturo sa mga pumatay kay Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan, nitong Sabado ng hapon.
Ito ay makaraaang ihayag ni Senior Supt. William Segun, Cavite Police Provincial Office (PPO) director, na wala pa silang natutukoy na mga suspek sa pagpatay kay Lubigan, 44, at sa driver nitong si Romulo Guillemer, 58 anyos.
Idinahilan ni Segun na mapapabilis ang pagresolba sa kaso dahil na rin sa nasabing reward na inilaan ni Cavite 6th District Rep. Luis Ferrer IV.
Aminado rin ang pamunuan ng Police Regional Office IV-A, Cavite PPO at Trece Martires Police na hindi pa nila tukoy ang mga pumatay kay Lubigan.
“Wala pa po,” sagot ni Segun nang tanungin ito ng mga mamamahayag kung may nakikilala na silang suspek.
Nauna nang nagpahayag ng pagkadismaya ang National Vice Mayors League kasabay na rin ng panawagan nila sa pamahalaan na lutasin kaagad ang kaso.
Pinagbabaril sina Lubigan at Guillemer habang nakasakay sa isang pick-up vehicle sa tapat ng isang ospital sa Trece Martires-Indang Road, dakong 2:53 ng hapon nitong Sabado.
-Anthony Giron