July 23, 2026

Home BALITA National

'Tama na!' GM Lino, pinagsabihan utol na si Sen. Alan sa pagtirada kay Kiko Dee

'Tama na!' GM Lino, pinagsabihan utol na si Sen. Alan sa pagtirada kay Kiko Dee
Photo courtesy: Lino Cayetano, Alan Peter Cayetano

Pinuna ni People’s Television Network (PTV) General Manager Lino Cayetano ang kaniyang kapatid na si Sen. Alan Peter Cayetano kaugnay sa naging pagtirada ng huli kay Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Dee. 

Matatandaan kasing Hunyo 3, 2026, nang direktang nagtungo sina Dee at iba pang miyembro ng koalisyong Tindig Pilipinas sa Office of the Ombudsman upang sampahan ng kaso sina Sen. Alan, Sen. Robin Padilla, at dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca kaugnay sa naging matagumpay na pagtakas ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagtugis ng mga awtoridad. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP

Bilang tugon naman ni Sen. Alan sa pagsasampa ng kaso ng organisyasyon ni Dee, idiniin ng senador na huwag daw tumanggap ng utos mula sa kasalukuyang administrasyon si Dee dahil hindi naman daw ito maka-Marcos.

“Just remember who you are, Kiko. Aquino ka, e. Hindi ka Kiko Dee-Marcos. Don’t get instructions from the administration,” buwelta ni Cayetano kay Dee. 

National

'Kiyapo,' lalakas bilang tropical storm; signal no. 1, nakataas na!

Ito rin ang araw ng pag-alaala sa naging kamatayan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III limang taon na ang nakalipas mula noong Hunyo 24, 2021. 

Sa naging komento naman ni Lino sa isang ulat na may kaugnayan sa tirada ni Sen. Alan kay Dee noon ding Miyerkules, Hunyo 24, pinagsabihan niya ang kapatid na tumigil na at humingi ng dispensa sa pamilya ng mga Aquino. 

Paalala ni Lino kay Sen. Alan, kasabay din daw ng anibersaryo ng pagkamatay ni dating Pangulong PNoy ang pagkasawi rin ng kanilang ama. 

“Tama na, Alan. Apologies to the Aquino family. Today is not only the death anniversary of PNoy, but also that of our dad,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Lino, mas mabuti raw kung inilaan na lang sana ni Sen. Alan ang kaniyang panahon para ipagdasal at magbalik-tanaw sa naging buhay ng mga mahal nila sa buhay habang patuloy na gampanan ang tungkuling magsilbi sa taumbayan. 

“Perhaps this is a good day for prayer, reflection, and quiet remembrance for honoring those we have all lost and recommitting ourselves to serving the Filipino people through our actions,” pagtatapos pa niya. 

Sa huling post naman ni Sen. Alan sa kaniyang Facebook noong Huwebes, Hunyo 25, diniin niyang matagal nang nilalabanan ng maraming pamilya at milyon-milyong Pilipino ang pandaraya, pagnanakaw, at pagsisinungaling ng ilan sa bansa. 

“In our own imperfect ways the Aquinos and Cayetanos, The Santos', De Jesus', mga Cruz, and tens of millions of Filipinos fought against cheating, stealing, and lying,” aniya. 

Diin ni Cayetano, maituturing daw niyang kakampi ang mga taong lumalaban sa naturang mga anomalya ngunit ikinahihiya niya ang mga nagpapakasasa sa sa pandaraya, pagnanakaw, at pagsisinungaling. 

“If you are fighting against these, then we are comrades. If you forgot, I’m simply reminding. If you are scared of the alternative, we are saying ‘huwag matakot’. If you are comfortable enjoying the perks of power, Thus conveniently ignoring the cheating, stealing, and lying, shame on you!” buwelta pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Puro pang-iintriga!' Usec. Castro, dinepensahan si Kiko Dee kay Sen. Cayetano

KAUGNAY NA BALITA: Cayetano, Padilla, Aplasca may 15 araw para sagutin reklamo ni Kiko Dee!—Ombudsman