Ipinagtanggol ni Palace Press Officer at Presidential Communications Officer (PCO) Usec. Claire Castro si Tindig Pilipinas co-convenor Kiko Dee laban sa pang-iintriga umano ni Sen. Alan Peter Cayetano sa pagiging “Aquino” ng nabanggit.
Matatandaan kasing naghain ng kaso ang organisasyon ni Dee laban kina Cayetano, Sen. Robin Padilla, at dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca dahil sa pagtulong umano ng mga nabanggit na makatakas si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa pagtugis ng mga awtoridad.
Matatandaang Mayo 11, 2026, nang opisyal na naglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa habang madaling-araw naman noong Mayo 14 nang makaalis ang naturang senador sa pagsakay sa isang Fortuner na puti na pagmamay-ari ni Padilla.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato, 2:30 ng madaling-araw nakaeskapo sa Senado!—PNP
Bilang tugon naman ni Cayetano sa pagsasampa ng kaso ng organisyasyon ni Dee, pinatutsadahan niya ang angkang “Aquino” ni Dee at diniin ng senador na huwag daw tumanggap ng utos mula sa administrasyon ang naturang indibidwal.
“Just remember who you are, Kiko. Aquino ka, e. Hindi ka Kiko Dee-Marcos. Don’t get instructions from the administration,” buwelta ni Cayetano noong Miyerkules, Hunyo 24.
Sa naging pahayag naman ni Castro nitong Huwebes, Hunyo 24, pinagtanggol niyang gusto lang daw ni Dee, bilang isang Aquino, na may mapanagot sa naging pagtakas ni Dela Rosa.
“Kilala naman po niya siguro si Mister Kiko Dee na Aquino talaga. Kaya nga po siguro nagsampa ng kaso dahil Aquino siya. Dahil gusto niya rin pong mapanagot ang dapat na mapanagot,” pagsisimula niya.
Ani Castro, kilala naman daw ng publiko si Dee na isang kritiko sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kaya raw walang basehan, walang pinaghuhugutan, at puro pang-iintriga lang ang pahayag ni Cayetano sa umano’y pagtanggap ni Dee ng utos sa PBBM admin.
“Mababanggit natin si Mister Kiko Dee-Aquino ay hindi po ito, hindi po siya maka-PBBM. Isa po siyang madalas mag-criticize sa gobyerno,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kaya muli, ang sinasabi ni Sen. Alan Cayetano ay puro pang-iintriga, walang basehan, walang pinaghuhugutan.”
Buwelta ni Castro, matuto na raw sana ang publiko upang tukuyin kung sino raw ang mas nagsasabi ng may kabuluhan dahil sa nasaad ni Cayetano patungkol kay Dee.
“Sana po, ang mga kababayan natin ay matuto na. Matuto at malaman nila kung sino ba ‘yong nagsasabi ng may kabuluhan,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Cayetano kaugnay sa naging buwelta sa kaniya ni Castro.
KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, muling nagsampa ng kaso vs 18 ex-bodyguards; Cayetano at Marcoleta, dawit!
KAUGNAY NA BALITA: Cayetano, sariling interes lang ang pinaglalaban—Trillanes