Binalikan ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang alyansa nila noon ni Sen. Alan Peter Cayetano sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee sa umano’y korupsiyong kinasangkutan ni dating Vice President Jejomar Binay.
Kinapanayam ni Kapamilya broadcast-journalist Karmina Constantino si Trillanes sa podcast niyang “KC After Hours” noong Sabado, Hunyo 21, para pag-usapan ang mga kasalukuyang isyu ng bayan.
Nang mahagip sa usapan ang pangalan nina Cayetano at Binay, hindi naiwasang itanong ni Constantino kay Trillanes kung paano nauwi sa magkaibang direksyon ang pagkakaisa nila noon ni Cayetano para sa pagsugpo ng korupsiyon.
“Anong pagkakaiba sa ginawa n’yo noon kay Vice President Binay sa ginagawa mo ngayon at sa ginagawa ni Sen. Peter ngayon?” usisa ni Karmina.
“I think ang pinaka-difference dito, I’m just being consistent with my advocacy,” sagot ni Trillanes. “Magka-align ang interes namin noon. So kasama siya. Pero sa kaniya, personal interes niya to be on the other side. So dito lumalabas.”
Dagdag pa niya, “No’ng magkasama kami kay Binay, it was just convenient for him because it was aligned to his political interests. Pero ngayon, no’ng sumama siya do’n sa pwersa na ‘yon [sa mga Duterte], lumabas ‘yong tunay na kaanyuan niya. ‘Yong interes lang niya ang pinaglalaban niya. Hindi naman talaga siya galit sa korupsiyon.”
Ayon kay Trillanes, hindi raw niya nakita agad kay Cayetano na personal na interes lang ang isinusulong nito noon kahit halos araw-araw silang magkasama.
“If you would meet Sen. Cayetano for the first time, madi-disarm ka diyan. He’s so soft spoken tapos may religious projection siya,” saad ng dating senador.
Matatandaang si Cayetano ang naging runningmate ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential elections na katunggali naman ni Binay.