July 21, 2026

Home BALITA National

Trillanes, muling nagsampa ng kaso vs 18 ex-bodyguards; Cayetano at Marcoleta, dawit!

Trillanes, muling nagsampa ng kaso vs 18 ex-bodyguards; Cayetano at Marcoleta, dawit!
Photo courtesy: Antonio Trillanes IV (FB)

Muling nagsampa ng kaso si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV laban sa mga miyembro ng 18 ex-bodyguards kaugnay sa muling pagdadawit sa kaniya ng naturang grupo sa dinaluhang “rouge” Senate Blue Ribbon Committee hearing ng mga ito noong Hunyo 4, 2026. 

Kasama rin sa sinampahan ng kaso ni Trillanes ang mga senador na nanguna sa pagkakasa ng naturang pagdinig noong Hunyo 4 na sina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Rodante Marcoleta. 

Matatandaang unang beses na nagsampa ng kaso si Trillanes noong Marso 5, 2026, laban sa 18 ex-bodyguards, sa abogado nilang si Atty. Levito “Levi” Baligod, dating broadcaster na si Jay Sonza, dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy at vlogger na si Cathy Binag dahil sa pagpapakalat umano ng mga nabanggit ng “disinformation” sa publiko tungkol sa kaniya.

KAUGNAY NA BALITA: Trillanes, kakasuhan 18 ex-marines, Baligod, Defensor, atbp!

Ikalawang beses naman na nagsampa si Trillanes ng kaso noong Marso 23, 2026, laban ulit sa 18 ex-bodyguards, vlogger na si Banat By at iba pang host ng Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa patuloy pa rin umanong pagpapakalat ng kasinungalinan ng mga nabanggit. 

National

NBI Dir. Matibag, nagpatutsadang malayo sa kahulugan acronym ng RAGE coalition

KAUGNAY NA BALITA: ‘Di ko kayo titigilan!’ Trillanes muling nagsampa ng kaso vs 18 ex-Marines, Banat By, atbp.

Sa ikatlong pagkakataon naman nitong Huwebes, Hunyo 25, muling nagsampa ng kasong cyberlibel si Trillanes laban ulit sa 18 ex-bodyguards, kasama na sina Cayetano at Marcoleta. 

“Ngayong araw, nag-file ako muli ng kaso na Cyberlibel laban sa 18 ‘ex-bodyguards,’ kasama na rin sina Cayetano at Marcoleta,” pagsisimula ni Trillanes sa kaniyang social media post. 

Screenshot mula sa post ni Trillanes. 

Aniya, may kaugnayan daw ang pagsasampa niya ng bagong kaso laban sa mga nabanggit sa isinagawa nilang pagdinig as Komite ng Senado noong Hunyo 4 at idiniin niyang magtutuloy-tuloy daw ang pagsasampa niya ng kaso hanggang hindi raw titigil ang pagsisinungaling ng naturang grupo. 

“Ito ay ukol sa rogue Blue Ribbon hearing na ginawa nila. Tuloy-tuloy lang ang pagsasampa ko ng kaso sa mga ito hanggat patuloy ang kanilang pagsisinungaling,” pagtatapos ni Trillanes. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon ang kampo ng 18 ex-bodyguards o maging ni Baligod kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: 'I categorically deny!' Trillanes pumalag sa 18 ex-Marines, kakasuhan ulit