Mariing pinabulaanan ni dating senador Antonio "Sonny" Trillanes IV ang mga alegasyong nakatanggap umano siya ng mga male-maletang pera para lamang makipag-ugnayan sa ilang mga tauhan ng International Criminal Court (ICC) upang makapagsagawa ng imbestigasyon sa bansa, para maisulong ang kasong "crimes against humanity" kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isinagawang Senate Blue Ribbon Committee sa pangunguna ni Senate President Alan Peter Cayetano, kasama ang chairman at vice chairman nitong sina Sen. Pia Cayetano at Sen. Rodante Marcoleta, gayundin sina Sen. Imee Marcos at Sen. Robin Padilla, nabanggit ang pangalan ni Trillanes na nakikipagkita raw sa ilang mga dayuhang taga-ICC sa isang hotel, kasama sina dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Pahayag pa ng ilang mga miyembro ng ex-Marines, nagdala raw sila ng male-maletang pera kay Trillanes kaugnay sa partisipasyon nito para makapunta sa bansa ang mga kinatawan ng ICC para maimbestigahan ang extra judicial killings sa war on drugs ng dating pangulo.
Sa inilabas na opisyal na pahayag sa media, itinanggi ni Trillanes ang mga paratang at iginiit na naglabas na rin ng pahayag ang ICC kaugnay nito. Nagbanta pa si Trillanes na muli niyang kakasuhan ang 18 ex-Marines dahil dito.
"Again, I categorically deny na tumanggap ako ng pera mula kay Zaldy Co para ibigay sa ICC or for any other purpose. The ICC has also made a statement denying they received money from me or any other person in relation to the cases here in the Philippines. Dahil dyan sa inulit na sinabi nila, kakasuhan ko ulit sila," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Sonny Trillanes/FB
Matatandaang nauna nang nagsampa ng kaso si Trillanes laban sa 18 ex-Marines dahil sa umano'y pagpapakalat ng mga kasinungalingan laban sa kaniya.
Maki-Balita: Trillanes, kakasuhan 18 ex-marines, Baligod, Defensor, atbp!
Maki-Balita: ‘Di ko kayo titigilan!’ Trillanes muling nagsampa ng kaso vs 18 ex-Marines, Banat By, atbp.