Nakatakdang selyuhan ng Australia at New Zealand ang isang bagong security agreement kasama ang kanilang mga katabing bansa sa Pacific sa harap ng lumalakas na impluwensiya ng China sa rehiyon, sinabi ng mga opisyal kahapon.
Ang kasunduan ay inaasahang lalagdaan ng 18 bansa sa Pacific Islands Forum sa Setyembre, sinabi ng New Zealand Ministry of Foreign Affairs and Trade, inilarawan ang Pacific na “increasingly contested strategic environment.”
Sinabi kahapon ng gobyerno ng New Zealand na lalong nagiging kumpiyansa ang mga galaw ng China at agresibong isinusulong ang mga interes nito sa Asia, na nagpainit ng tensiyon sa iba pang mga bansa kabilang na ang United States.
Sa pagpasok ng China sa international order, hindi nito in-adopt ang parehong values sa human rights at freedom of information na isinulong ng traditional leaders, saad sa strategic defense policy statement na inilabas ni New Zealand Defense Minister Ron Mark.
Nakasaad sa dokumento na isinasamoderno ng China ang militar nito at pinalalakas ang kanyang kakayahan para ipakitang malusog ang ekonomiya ng bansa at lumalaking ambisyon na maging lider. Ayon dito, nahaharap ang New Zealand sa “compounding challenges of a scope and magnitude not previously seen in our neighborhood.”
Sinabi naman ni Australian Home Affairs Minister Peter Dutton na ang bagong kasunduan ay pagpapatuloy sa security agreement na tinanggap ng forum nation leaders noong 2000. Ang Biketawa Declaration ay lumikha ng framework para sa collective responses sa mga krisis sa rehiyon, tulad ng multinational security force sa pangunguna ng Australia, na ipinadala sa Solomon Islands noong 2003 para wakasan ang civil unrest. Nagtapos ang misyon nitong nakaraang taon.
“China’s reaching out across the world including into our region and we have a very good relationship with China,” ani Dutton sa Nine Network television. “We want all of that to continue, but in our neighborhood we have a responsibility to work with our neighbors.”
Hindi sumagot nitong Biyernes ang opisina ni Australian Minister for International Development and the Pacific Concetta Fierravanti-Wells nang hingan ng mga detalye ng Pacific security pact.
Nagprotesta ang China nitong Enero sa pahayag ni Fierravanti-Wells na ang Chinese aid programs sa mahihirap na Pacific island countries ay lumilikha ng “white elephants” na nagbabanta sa economic stability nang walang ibinibigay na benepisyo.
Nitong Hunyo, nagbabala si Australian Prime Minister Malcolm Turnbull laban sa pagtatayo ng China ng military base sa Vanuatu, na dating joint British-French colony.
Sinabi ni Turnbull na ang Australia “would view with great concern the establishment of any foreign military bases in those Pacific island countries and neighbors of ours.”
Sinuportahan ni New Zealand Prime Minster Jacinda Ardern ang posisyon ng Australia, sinabi na ang kanyang bansa “[takes] a strong position in the Pacific against militarization.”
-AP