Nagkomento si Senate President Pro Tempore at Acting Senate President Win Gatchalian sa ikinasang Blue Ribbon Committee hearing ng paksyon nina Sen. Alan Peter Cayetano hinggil sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects.
Sa panayam ng isang radio news program kay Gatchalian nitong Biyernes, Hunyo 5, 2025, tahasang iginiit ng senador na tila isang gathering lang daw ang nangyaring pagdinig ng naturang komite at hindi isang hearing.
"Yung nangyari kahapon, hindi hearing iyon kundi gathering," saad ni Gatchalian.
Paglilinaw pa niya, "Hindi iyon hearing, iyon ay para sa akin, isang gathering. At yung gaganaping hearing on Monday, ayun ang official hearing na ang chairman ay si Sen. Erwin Tulfo."
Hindi rin umano maituturing na opisyal na mga pahayag ang mga isiniwalat ng 18-ex Marines dahil ang lehitimong Blue Ribbon Committee ay ang paksyon nilang bagong majority.
"Yung mga sinasabi nila, pinipili nila. Hindi rin Tama. Kung gusto nila magsabi nang totoo, dapat lahat-lahat at gawin sa official venue," anang senador.
Iniimbitahan din daw nila ang 18-ex Marines sa kanilang pagdinig sa Lunes, Hunyo 8, upang tuluyang maging opisyal ang kanilang mga testimonya.
"Invited naman 'yong 18 [ex-Marines] on Monday... Sabihin nila ulit kung ano 'yong [sinabi] nila doon para maging official," saad ni Gatchalian.
Matatandaaang tuluyang nahati ang paksyon ng mga senador sa Senado matapos magdaos ng sesyon ang minority bloc nang dumating si Sen. Chiz Escudero mula sa majority bloc—matapos ang ilang araw na hindi nila pagsipot sa sesyon.
Bunsod nito, agad na binakante ng Senado ang posisyon ng Senate President Pro Tempore kung saan naihalal si Sen. Win Gatchalian sa naturang posisyon at kalaunan ay idineklara bilang acting Senate President.
Si Sen. Alan Peter Cayetano ang Pangulo ng Senado habang si Sen. Loren Legarda naman ang kaniyang Senate President Pro Tempore, bago ang sesyon nitong Miyerkules ng hapon.
Matapos ang tuluyang pagtatago ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at tuluyang pagkakaaretso kay Sen. Jinggoy Estrada, bumaba sa bilang na 11 ang miyembro ng Senate majority na tumabla sa 11 na bilang ng Senate minority.
Samantala, sa paksyon namang pinamumunuan ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Win Gatchalian, si Sen. Erwin Tulfo ang tumatayong Blue Ribbon Chairman na nakatakdang pamunuan ang pagdinig sa flood control projects sa Hunyo 8.
KAUGNAY NA BALITA: : Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!