SINONG mag-aakala na ang libangan ni Mikey Bustos na mag-upload ng mga video ng mga lugar at bansang napuntahan na niya ay magiging daan pala kunin siyang brand partner ng Department of Information and Tourism ng Taipe City.

Mikey-Bustos-700x1050 copy

Bukod sa pagiging vlogger/YouTube star, kilala rin si Mikey bilang runner-up sa 2003 Canadian Idol, at naging recording artist ng BMG Music Canada at Vik Recording. Kasama rin siya sa inilabas na Canadian Compilation Idol, na bumenta ng 60,000 units sa Canada.

Sa Canada ipinanganak at lumaki si Mikey, pero dugong Pilipino kaya naman noong 2012 ay bumalik na sila ng kanyang pamilya sa Pilipinas. Dinalaw na rin niya ang pinagmulan ng mga magulang niya sa Cagayan at Pampanga.

Tsika at Intriga

Dani Barretto, nang-inis pa lalo sa bashers dahil sa 'garlic tuyo'

“Gusto ko lang kasing mag-share ng videos na ginagawa ko. I don’t get paid for it. Gusto ko lang gawin, mahilig kasi akong pumunta kung saan-saan. Mostly Asian countries muna, at siyempre para tikman ang mga pagkain na sa bansang dun mo lang makikita,” kuwento ni Mikey.

“One of my favorite country, aside from Taiwan and of course Philippines, was Palau Island. Have you been to Palau? Ang daming Pinoy doon and all the locals also looks like us. Sabi ko nga, kamukha ko sila.”

At dahil isa ang Taiwan sa bansang nagustuhan ni Mikey ay kinontak siya para maging brand partner at nitong Martes, Hulyo 3, ay ini-launch sa Ascott Hotel ang Fun Taipe 2018 My New Crushie video, na umabot na sa 13,000 views sa loob lang ng isang araw simula nang i-upload niya ito.

Napanood namin ang My New Crushie video at talagang maeengganyo kang pumunta ng Taiwan, base na rin sa kuwento ni Mikey na masarap ang mga pagkain doon. Type rin naming tikman ang mga pagkain sa Taiwan, lalo na ang milk tea, na sa kanila pala nagsimula.

Ikinuwento rin ni Deputy Commissioner of Taipe City’s Department of Information and Tourism Head, Ms Chen Yu-hsin, na si Mikey ang unang foreign celebrity na inimbita nila para maging spokesperson para i-promote ang Taiwan.

Nag-offer ng visa-free program ang gobyerno ng Taiwan noong Hulyo 2017, na nagtapos nitong Hunyo 2018. Pero dahil nakita nilang marami pa ring gustong makarating sa kanilang bansa ay muli nila itong in-extend hanggang July 2019.

Sabi pa ni Ms Chen Yu-hsin, umabot na sa 290,784 ang nakapunta sa Taiwan simula nu’ng inilunsad nila ang visa-free program. Tumaas ito ng 68.59% kumpara sa 172,475 turistang dumagsa sa Taiwan noong 2016.

Kaya naman pinasalamatan ni Miss Chen Yu-shin ang mga Pilipinong kasama parati ang Taiwan/Taipe sa kanilang travel destination.

Naging word of mouth ang bansang Taiwan dahil mababait at very warm ang mga tao sa mga turista. Masarap din mag-shopping doon, maraming lugar na puwedeng mag-shooting, at siyempre pa, masasarap ang pagkain.

Sabi nga ng Quantum producer na si Atty. Joji Alonso, kaya gustung-gusto niyang mag-shooting sa Taiwan ay dahil masarap ang mga pagkain, mababait ang mga tao, at madali rin silang nabibigyan ng permit.

Ilan sa mga pelikulang sa Taiwan ginawa ang Walang Forever nina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado noong 2015; sinundan ng All of You nina Jennylyn at Derek Ramsay noong 2017; at ang Dalawang Mrs. Reyes nina Judy Ann Santos at Angelica Panganiban ngayong 2018.

Nag-showbiz din pala si Mikey, dahil napanood siya sa Bubble Gang sa GMA-7 noong 2012, at naging Artist Center artist.

“Hindi ko po natagalan ang showbiz, hindi ko kaya ang shooting kasi mahabang oras. I also have my video shoot, so how can I do that at the same time. I think, showbiz is not for me,”paliwanag ni Mikey.

Crush ni Mikey si Lovi Poe at ang singer na si Jona, na parehong nakikita niya noon sa Kapuso network.

“I didn’t have the chance to meet them when I was in GMA kasi. I was too shy I think? Mahilig ako sa ganu’n beauty,” saad pa ni Mikey.

Anyway, ngayong Biyernes, Hulyo 6, ay magkakaroon ng Fun Taipe promotional event sa Activity Center sa Glorietta 2, at kakantahin ni Mikey ang awiting My New Crushie.

Kasalukuyang isinasagawa ang Taipe City 2018 Travel Madness Expo sa SMX Convention Center sa Pasay City (July 5-8). Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tumawag sa Tourism Development Division, Department of Information and Tourism, Taipe City executive, Ms Yihsuan Lee sa +886227208889, ext 6902; at Ms Hunglin Lin ext 7562, or sa B99 Events Management, kay Vanessa Versoza sa 0917-5691363, o mag-email sa [email protected].

-Reggee Bonoan