May 22, 2026

Home BALITA

Cellphones na aabot sa ₱60k ang presyo, ninakaw at ibinenta ng tig-₱500; suspek, tiklo!

Cellphones na aabot sa ₱60k ang presyo, ninakaw at ibinenta ng tig-₱500; suspek, tiklo!

Arestado ang isang 24-anyos na lalaki matapos masangkot sa pagnanakaw ng ilang cellphone mula sa isang sari-sari store sa Antipolo, batay sa kuha ng CCTV na nagsilbing pangunahing ebidensya ng insidente noong Miyerkules, Abril 15, 2026.

Makikita sa video ang suspek na madaling-araw na pumasok sa tindahan at lumabas na may dalang plastic bag na kalauna’y napag-alamang naglalaman ng mga ninakaw na gadget. 

Ang tindahan ay nagpaparenta umano ng mga cellphone, partikular sa mga estudyanteng gumagamit nito para sa online class at komunikasyon.

Tinatayang aabot sa higit ₱60,000 ang kabuuang halaga ng mga natangay na cellphone.

Matapos ang insidente, agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa barangay, na naging daan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek. 

Sey ng NBI: 'Fugitive Senator Dela Rosa will be arrested whether he likes it or not'

Ayon sa opisyal ng lugar, dati na rin umano itong nasasangkot sa maliliit na pagnanakaw.

Sa pagpunta ng mga awtoridad sa kanilang bahay, kusang-loob na isinuko ng ina ang suspek. Sa kanyang pahayag, umapela siya sa mga posibleng kasabwat ng kanyang anak na lumantad at akuin ang kanilang naging papel sa insidente.

Bukod sa kasong ito, lumalabas din sa tala ng barangay na nasangkot na ang suspek sa iba pang pagnanakaw ng iba’t ibang paninda sa lugar.

Inamin naman ng suspek ang krimen at sinabing naibenta na niya ang mga cellphone sa Marikina sa halagang ₱500. Ayon sa kaniya, kahirapan sa buhay ang nagtulak sa kaniyang gawin ang insidente.

Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa kustodiya ng pulisya at nahaharap sa kasong pagnanakaw. Patuloy naman ang panawagan ng mga awtoridad sa iba pang sangkot na sumuko na sa lalong madaling panahon.