Nagsalita at dumepensa si Sen. Robin Padilla para kina Vice President Sara Duterte at ama ng huli na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi raw siya nakatanggap ng bag o anomang porma ng salapi sa mga ito.
Matatandaang isiniwalat ng nagpakilalang “bagman” at “aide” umano ni VP Sara na si Ramil Madriaga sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Martes, Abril 14, na tumanggap at naghatid siya ng milyon-milyong mga salapi mula kay FPRRD at VP Sara sa ilang mga indibidwal.
KAUGNAY NA BALITA: ₱125M confidential funds ni VP Sara, nalustay sa loob ng 24 oras—Madriaga
Ayon naman sa naging pahayag ni Padilla sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Abril 16, sinabi niyang naging kaibigan na raw niya si FPRRD noon pang 2014 hanggang 2025 at hindi raw siya kailanman nakatanggap ng bag o sobre na naglalaman ng pera at cheke sa mga Duterte.
“Mula 2014 ay naging volunteer at kaibigan na ako ni Digong,” pagsisimula niya.
Photo courtesy: Robin Padilla (FB)
Dagdag pa niya, “Ni minsan kahit noong 2022 eleksyon, kahit nitong 2025, HINDI ako nakatanggap ng duffle bag, envelope o cheke sa kanya o sa mga Duterte.”
Ani Padilla, lahat daw ng mga kagaya niyang boluntaryong sumuporta sa mga Duterte ay hindi nakatanggap ng anomang salapi at humugot ng pantustos mula sa sarili nilang bulsa.
“[S]a totoo lang, hindi kailanman pinag-uusapan ang pera sa kanila dahil walang mag-aabot ng pera. Sa PDP laban nga wala kaming pera doon. Lahat boluntaryo. Sarili mo, gastos mo,” depensa ng senador.
Dahil daw rito, tila naninibago raw siya sa naging pahayag ni Madriaga tungkol kina VP Sara at FPRRD na may nagaganap na abutan ng pera mula sa mga nabanggit.
“Kaya nakakapanibago sa pandinig ang pahayag sa kamara na nagkakaabutan ng pera,
at higit sa lahat iba ang tao ni FPRRD at ang tao ni VP,” saad niya.
Paglilinaw pa niya, “Wala akong kilala na crossover na tao nila.”
Giit naman ni Padilla, ayon lang daw ang mga nasaad niya batay sa kaniyang obserbasyon at karanasan sa panahon na nakasama niya ang dating Pangulo at anak nito.
“Obserbasyon ko lang ito at karanasan kay FPRRD at kay VP,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi naman nabanggit ang pangalan ni Padilla sa isinalaysay na affidavit ni Madriaga sa nasabing Komite noong Abril 14.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I felt betrayed!’ Ramil Madriaga, naramdamang trinaydor ni VP Sara
KAUGNAY NA BALITA: Ramil Madriaga isiniwalat na mahina, bayolente sa law school noon si VP Sara