Isiniwalat ng nagpakilalang “bagman” at “aide” ni Vice President Sara Duterte noon na si Ramil Madriaga na hindi raw totoong umabot pa sa 11 na bilang ng mga araw bago maubos ang ₱125,000,000 confidential funds ng Bise Presidente; bagkus, naubos ito sa loob lamang ng isang araw.
Ayon sa naging pagdalo ni Madriaga sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong Martes, Abril 14, 2026, isinalaysay niya ang ika-74 na paragraph sa kaniyang affidavit na tungkol sa confidential funds ni VP Sara.
Ani Madriaga, nabasa raw niya noon sa mga ulat na naubos ang confidential funds ng bise presidente sa loob ng 11 na mga araw, ngunit hindi raw iyon totoo.
“A few years later, I read from several media reports that the One Hundred Twenty-Five Million Pesos (PhP125,000,000.00) OVP confidential funds in 2022 were reportedly utilized in just eleven (11) days,” aniya.
Pagdidiin ni Madriaga, personal daw niyang nalustay ang nasabing halaga ng confidential funds ni VP Sara sa loob lamang ng 24 oras o isang araw.
“This is wrong because I personally disposed the money in less than twenty-four (24) hours,” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag ang kampo ni VP Sara kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Weakest link si Madriaga?' Rep. Ridon, hinamong dumalo si VP Sara sa Abril 14
KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni VP Sara, kinumpirma paghahain ng Petition for Certiorari and Prohibition sa SC!