May 21, 2026

Home BALITA National

'Weakest link si Madriaga?' Rep. Ridon, hinamong dumalo si VP Sara sa Abril 14

'Weakest link si Madriaga?' Rep. Ridon, hinamong dumalo si VP Sara sa Abril 14
Photo courtesy: File Photo

Nagawang hamunin ni House Justice Committee member at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon si Vice President Sara Duterte at ang mga abogado nitong dumalo sa nakatakda nilang pagdinig sa darating na Martes, Abril 14, 2026. 

Dahil ito sa naging pagsasabi ng abogado ni VP Sara na si Atty. Paolo Panelo na “weakest link” at hindi raw problema para sa kanila kung lilitaw sa pagdinig ang nagpakilala noong “bagman” ng bise presidente na si Ramil Madriaga. 

“We're not concerned na magte-testify si Madriaga sa House Justice Committee. We don't mind because we know that whatever he says are lies. And then in the proper forum, which is looking like the Senate, we can definitely prove that he's a fraud,” saad ni Panelo sa isinagawa nilang press briefing noong Linggo, Abril 12, 2026. 

Dagdag pa niya, “[W]hen they talk about him like he's the smoking gun, he's the missing link to all of this, when really we think he's the weakest link.” 

Ayon sa naging panayam ng News 5 kay Ridon nitong Lunes, Abril 13, 2026, sinabi niyang magpapatupad naman daw ng mandato ang kanilang Komite kung kumpiyansa ang kampo ng bise presidente na “weakest link” ng impeachment proceedings si Madriaga. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“‘Yon pong House Justice Committee ay magpapatupad po ng kaniyang mandato dito sa impeachment,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Ibig-sabihin, kung very confident po ang Pangalawang Pangulo at kaniyang mga abogado na weakest link po si Mr. Madriaga, tingin ko wala pong dahilan para matakot.” 

Ani Ridon, wala raw dahilan para hindi maglatag ng mga ebidensya sina VP Sara laban kay Madriaga sa susunod nilang pagdinig. 

Aniya pa, normal lang naman daw at nakabatay sa Konstitusyon ang paglalatag ng mga ebidensya laban sa mga tatayong testigong kagaya ni Madriaga. 

“‘Yan naman po ‘yong itinatadhana ng ating konstitusyon, ng atin pong rules, at no’ng lahat po ng umiiral na jurisprudence sa paglalatag ng isang impeachment proceeding,” saad niya. 

Pagpapatuloy ng mambabatas, dapat lang daw na magpakita o dumalo si VP Sara at ang mga abogado nito sa pagdinig nila sa Abril 14 at hindi lamang puro pagsasagawa ng press conference. 

“Ang panawagan po natin, magpakita na lang po ang ating Pangalawang Pangulo. Doon po niya ilatag ang kaniyang depensa laban kay Mr. Madriaga at hindi po sa isang press conference ng kaniyang pong abogado,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag, reaksyon, o tugon ang kampo ni VP Sara kaugnay rito. 

KAUGNAY NA BALITA: ‘Kabado kampo ng mga Duterte!’ Mayor Baste, 'plan B' kung ma-impeach is VP Sara—Rep. Tinio