Hindi nakawala sa awtoridad ang dalawang lalaki, isa ay kabilang sa drugs watchlist, sa buy-bust operation sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.

Iniimbestigahan sa tanggapan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Las Piñas City Police sina Jomar Carreon y Tobias, alyas Jomar, 29, ng Block 5 Lot 24, Villa Pangarap Village, Barangay Talon Singko ng nasabing lungsod; at Conrado Serzo y Reyes, alyas Randy, 48, ng No. 45 Mercury Atlas Street, Moonwalk Village ng naturang barangay.

Sa ulat ng Southern Police District (SPD), nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng SDEU sa Villa Pangarap Village, sa Bgy. Talon Singko, dakong 2:00 ng madaling araw.

Agad dinakma ang mga suspek nang iabot ng mga ito ang P200 halaga ng droga sa isang pulis na nagsilbing poseur-buyer.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nasamsam kina Carreon at Serzo ang apat na pakete ng umano’y shabu at P200 buy-bust money.

Sa pagsisiyasat, si Carreon ay kabilang sa drugs watchlist ng pulisya.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

-Bella Gamotea