Pinaalalahanan kahapon ng Department of Health (DoH) ang publiko na huwag balewalain ang mga sintomas ng leptospirosis matapos makapagtala ng 93 katao na namatay sa sakit na ito ngayong taon.

Batay sa datos ng DoH, mula Enero 1 hanggang Hunyo 9, umaabot sa 1,030 kaso ng leptospirosis ang kanilang naitala sa buong bansa. Mas mataas ito ng 41 porsiyento kumpara noong nakaraang taon.

Ang mga nagkasakit ay mula isang taon gulang hanggang 88-anyos, at 872 o 85% ng kabuuang bilang ay mga lalaki.

Pinakamaraming nabiktima ng sakit sa Western Visayas, na may 221 kaso; Caraga, 162, at Region XI, 86.

Northeasterly windflow, patuloy na umiiral sa Extreme Northern Luzon

Kaugnay nito, patuloy ang paalala ng DoH sa mga mamamayan na mag-ingat laban sa leptospirosis lalo na ngayong tag-ulan at madalas ang mga pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi dapat balewalain ang mga sintomas ng sakit dahil maaari itong ikamatay, at pinakamainam pa rin ang pag-iingat laban dito.

“Still, the best way is prevention. Avoid, if you can, wading in floodwaters to prevent being infected by the Leptospira bacteria. Or use boots when it cannot be avoided and go to the nearest health center if you have fever for two days,” ani Duque.

Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ay mataas na lagnat, pananakit ng kalamnan, pamumula ng mata, pangingiki, matinding pananakit ng ulo, pagsusuka, pagtatae, at paninilaw ng balat.

Ani Duque, kumonsulta kaagad sa doktor kapag nakaramdam ng mga sintomas na ito.

Kapag hindi naagapan, ang leptospirosis ay maaaring magresulta sa kidney failure, brain damage, massive internal bleeding at kamatayan.

“We can prevent complications of leptospirosis when its flu-like symptoms are recognized early and treated immediately,” ani Duque.

-Mary Ann Santiago