Umaasa ang Malacañang na sa paglalagda sa Republic Act No. 11036 o Mental Health Act ay mabubura na ang diskriminasyon at masamang pananaw sa mga taong may mental health conditions.
Ito ang ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos maiulat na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules ang batas na nagpapatibay sa mga karapatan ng lahat ng Pilipino sa mental health services.
Sa isang pahayag, sinabi ni Roque na kinikilala ng pagpasa ng batas ang mental disorders bilang isang sakit na maaaring suriin at lunasan.
“We hope this policy will help neutralize the stigma attached to mental illness,” ani Roque.
Ayon sa opisyal ng Palasyo, ang paglalagda sa Mental Health Act ay patunay sa pangako ni Pangulong Duterte na magkaloob ng accessible at abot-kayang mental health care at services sa mga Pinoy.
Ipinag-uutos ng batas ang paglikha ng mga mekanismo para sa suicide intervention, prevention, at response strategies, na partikular na tinututukan ang kabataan.
-Argyll Cyrus B. Geducos at Mary Ann Santiago