Inihayag ng Malacañang ang pagtatalaga ni Pangulong Duterte kay Davao del Norte Judge Dorothy Montejo-Gonzaga bilang bagong Court of Appeals (CA) Associate Justice.
Inilabas na kahapon ng Malacañang ang appointment paper ni Gonzaga, na nilagdaan ng Pangulo nitong Hunyo 19. Pupunan ni Gonzaga ang nabakanteng posisyon sa CA ni Romeo Barza.
Si Gonzaga ang hukom mula sa Panabo City na naglabas ng arrest warrant laban sa umaming hitman na si Edgar Matobato, para sa kasong kidnapping noong 2017.
Matatandaang humarap si Matobato sa pagdinig ng Senado, at sinabing miyembro siya ng Davao Death Squad (DDS), na nagsasagawa umano ng mga pagpatay sa Davao City, sa utos umano ni Duterte, na noon ay alkalde—na kaagad na mariing itinanggi ng Pangulo.
-Jeffrey G. Damicog