Arestado ang dating aktres at ang kinakasama nito sa anti-illegal drug operation matapos masamsaman ng umano’y shabu sa San Fernando, Pampanga, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni Chief Supt. Amador Corpus, regional director ng Central Luzon Police Regional Office (PRO-3), ang mga suspek na sina Michelle Comstock, alyas Tisay at Bridgette De Joya, dating sexy actress; at live-in partner niyang si Bong Guevarra, 42, ng Northville, Calulut Resettlement, San Fernando, Pampanga.

Inaresto sina Comstock at Guevarra ng pinagsanib na puwersa ng Pampanga Provincial Drug Enforcement Unit at City of San Fernando Police Station and Special Weapons and Tactics (SWAT) sa kanilang bahay, bandang 4:10 ng hapon.

Ayon sa awtoridad, isinailalim sa surveillance ang mga suspek matapos makatanggap ng tip hinggil sa ilegal na aktibidad ng dalawa.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nakuha sa mga suspek ang walong pakete ng umano’y shabu at dalawang plastic na bote na naglalaman ng hinihinalang liquid shabu.

Kakasuhan sina Comstock at Guevarra ng possession of illegal drugs sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-Martin A. Sadongdong